Napansin ng mga ekspertot pinuno na bumababa ang drug cartels tuwing may umaangat na Presidenteng malinis at matapang. Halos ubos na ang mga sindikato sa Venezuela at Bolivia dahil umangat sina Hugo Chavez at Gonzalo Sanchez de Lozada bilang Pangulo. Halos napalayas ang cartels sa Colombia tungong Ecuador at Costa Rica dahil kay Alvaro Uribe. Laganap ang cartels sa Ecuador at Costa Rica dahil niluklok nila ang narcopoliticians sa Panguluhan at Kongreso.
Pero heto ang sisti. Maraming mamamayan ang umaasa sa ilegal na droga para sa kabuhayan. Sila ang mga nagsasaka ng coca, nagpo-process at nagde-deliver sa ports. Kapag pinabagsak ang cartels, wala silang trabaho. Mabagal ang gobyerno sa pagbigay ng bagong uri ng kabuhayan. At kung wala silang pera, naaapektuhan din ang may-ari ng tindahan, ang banko, ang nagtitinda ng isda, ang nagre-repair ng traktora at iba pang mga umaasa sa kanilang pagtangkilik.
Kapag bumagsak ang mga lehitimong negosyo, kaliwat kanan na ang rallies. Muntik bumagsak si Chavez sa matagal na welgang-bayan. Nag-resign si de Lozada sa gitna ng kaguluhang pinondohan ng drug lord na si Evo Morales. Tinalo sa referendum ang mga patakaran ni Uribe.
Bukod sa mabagal na pagtulong sa mga umaasa sa drug trade, mahina ang sistemang edukasyon sa Latin Amerika. Hindi naipupukpok ang magagandang-asal at makabagong kaalaman sa hanapbuhay. Pasya ngayon ng mga ekspertot pinuno, ibuhos na lang sa educational aid ang bilyun-bilyong inuubos sa drug war. Gayahin sana natin ito.