Kahit sinong lider ay puwedeng sabihin iyan. Pero kadalasan, bulaklak lang ng dila. Pangkumbinsi sa taumbayan na determinado ang isang lider sa pagsugpo ng katiwalian. Mas totoo ang mga katagang iyan sa larangan ng pulitika. Sa pagsusulong ng political ambition, walang kinikilalang kamag-anak o kaibigan ang isang pulitiko. As the good old saying goes, "in politics there are no permanent friends."
Nalathala sa mga pahayagan (kasama ang PSN) ang panibagong P18-milyong kickback na diumanoy kinasasangkutan ng aspirante sa pagka-pangulo na si Raul Roco. At ang nagbunyag nito sa pamamagitan ng nilagdaang affidavit ay sarili niyang pinsan na si Calabang, Camarines Sur Vice Mayor Ramoncito Roco Robles.
Ang maagap na sagot naman ng kampo ni Atty. Roco ay "pamumulitika" lang diumano ang akusasyon porke ang nagsiwalat ay lumipat sa ibang partido. Sinabi ng pinsang Vice Mayor ni Roco na ang naturang halaga ay "kinikil" ni Roco mula sa mga contractors at suppliers nang ito ay Kalihim pa ng Edukasyon. Napilitan daw lumantad si Robles dahil iniipit siya ngayon ng mga naturang suppliers at contractors komo siya ang "kulektor" diumano ni Roco.
Maaaring itoy pamumulitika coming on the heels of the national polls next year. Pero itoy usaping dapat siyasatin dahil naglalagay kay Atty. Roco under the clouds of suspicion. Isa sa mga kakandidato sa pagka-Pangulo si Roco at hindi makabubuti sa kanyang reputasyon ang mga akusasyong iyan kung sadyang fabricated lang. Kung guilty si Roco, dapat siyang managot. Ngunit kung talagang itoy isa lamang political mudslinging, dapat papanagutin ang taong nagpapalabas ng mapanirang akusasyon. A good lawyer as he is, Mr. Roco knows the right course to take. At ang balita koy kakasuhan na nga ng libelo ni Roco ang kanyang pinsan.