Sa pamamagitan ng kolum na ito nais kong magbigay ng babala at paalala sa ating mga kababayan upang maiwasang maging biktima ng mga squatting syndicates.
Mahigit na 6,957 na pekeng titulo ang ginagamit at 4,530 dito ay iniimbestigahan at 2,067 ay ibinigay na sa Office of the Solicitor General upang pilahan ng petisyon sa Korte na ito ay ipakansela o mapawalang-bisa kabilang na rin dito ang pagpipila ng kaso sa mga taong may kinalaman sa pagpapalabas nito.
Ang modus operandi ng mga sindikato ay ang pagpapakita ng mga Titulo de Propriedad o mga Spanish titles upang mapaniwala ang mga pagbebentahan nila ng lupa.
Subalit para sa kaalaman ng lahat, matagal nang nawalan ng bisa ang mga Titulo de Propriedad alinsunod ito sa Presidential Decree No. 892 na nilagdaan ni dating Pangulong Marcos noong Feb. 16, 1976. Magsilbi sana itong babala sa publiko na kapag Titulo de Propriedad o Spanish titles ang ipinapakita o binebenta sa inyo, tandaan lamang na matagal na itong walang bisa at hindi rin ito bibigyan ng halaga ng Korte.
Kung minsan din ay kahina-hinala ang mga titulong ipinapakita halimbawa na lang ay isang titulo na sumasakop sa buong bansa maging ang Kalayaan at Sabah. Kapag ganitong mga titulo ang ginagamit ay maging listo kayo sapagkat ang ganitong mga klase ng titulo ay hindi kapani-paniwala at malamang ay peke.