Pinipilit naman na ilayo sa isyu nina Avenido at Caisip kapag inurirat sila ni Barbers kung saan na ba talaga ang perang nakalaan para sa reward. Ayon sa mga kasamahan natin sa hanapbuhay na nandoon sa hearing, malayo sa tanong ni Barbers ang mga kasagutan ng dalawang opisyal pero makulit talaga ang Senador natin kasi gusto niyang ilagay sa ayos nga ang batas ukol sa amended drug law nga. Sa kalaunan, sumagot ang PDEA officials natin na ang pera ay nasa banko. Makalipas ang ilang sandali, inamin naman nila na ang reward money ay napahalo sa general fund at nangako silang magkaroon ng separate fund para nga sa reward, he-he-he! Mahirap talagang itago ang katotohanan, di ba mga suki?
Napakadali pala ng proseso para maging milyonaryo ka sa reward scheme nga ng PDEA. Ang lahat ng impormante ay hinihikayat lang na mag-fill-up ng tinatawag na Information Report Form (IRF) kung saan ang kanyang right thumbmark ang magsisilbing katibayan na siya nga yon. Meron ding iisyu ang PDEA na code para hindi makilala ang informant at mahirapan ang mga drug syndicates na isinusuplong niya na magantihan siya at ang kanyang pamilya. Sinabi ng dalawang PDEA officials na ang gagawin lang ng informant, kapag nagtagumpay ang operasyon na kinasangkutan niya, ay ipakita ang original IRF form at presto... matatanggap na niya ang kanyang reward. Pero naguluhan si Barbers dahil nagreport ang isang abogado na mga Xerox copy lang ng IRF ang ibinigay ng isang SPO4 Cabanatan sa kanyang kliyente. Ibig sabihin ba nito ay bayad na ang kanyang kliyente? Tanong pa niya na naging dahilan para matulala itong sina Avenido at Caisip, he-he-he! Mukhang ayaw talagang magbigay ng reward ang PDEA.
Inamin din ng PDEA officials na walong informant na ang nabayaran nila pero hindi nila sinabi kung magkanong halaga ang inilabas nila. Itong kaso lang ng apat na informants, na nagsasabing aabot sa P35 milyon ang reward nila, sila nagkaproblema. Dahil may konting sigalot pang nasilip si Barbers, minabuti niyang ipagpatuloy ang hearing sa isang linggo. Kung itong development ang gagawin nating basehan, mukhang palpak talaga ang PDEA. Kung sabagay, dalawang beses nang inialok ni Presidente Arroyo ang puwesto ni Avenido kay Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay, hepe ng AID-SOTF.