Dedbol kasi sina dating ATO bossing Capt. Panfilo Villaruel Jr. at Lt. Ricardo Catchillar nang umatake ang assault team kasama si Caro.
Ang pagkubkob sa vital installation ng gobyerno ay isang unlawful interference kaya kailangan itong resolbahin sa lalong madaling panahon dahil magdudulot ito ng malaking pinsala.
Kung hindi naman kikilos ang mga pigoy sa napakadelikadong sitwasyon baka sila pa ang masisi.
Walang kinakampihan ang mga kuwago ng ORA MISMO, base lang ito sa nangyari.
Kaibigang matalik ng mga kuwago ng ORA MISMO si Capt. Villaruel kaya ayaw nating madehado siya.
Kaya lang labag sa batas ang kanyang ginawa.
Alam naman natin na walang guwapo o pangit, may ngipin o bungal, may baktol o wala, walang mayaman o mahirap, walang matalino o mangmang kapag lumabag sa batas dapat parusahan.
Matindi kasi ang nangyari, maraming katanungan kung bakit sila niratrat.
Sumusuko na raw sila?
Sa palagay ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang pulis gaano man nito pinahahalagahan ang buhay ng tao kapag nautusan ay ginagampanan ang trabaho.
Ika nga, walang personalan, trabaho lang. Obey first, ask questions later!
Sa kuwento ni Caro sa mga kuwago ng ORA MISMO, simula pa lang ay nagpatawag ang binuong Crisis Management Group para bawiin ang control tower para pasukin sina Villaruel at Catchillar.
Sinadya pala ng assault team na i-delay ang paglusob sa tower dahil umasa ang mga negotiator na susuko nang kusa si Villaruel pero hindi raw ito nangyari.
Sabi ni Caro, nang mabuksan ang pintuang bakal sa view deck at nagkaroon ng komunikasyon sa pagitan nila at ni Villaruel, mas pinili pa umano ng huli na manlaban kesa sumuko.
"Sa pangyayaring ito, ano kaya ang mangyayari sa imbestigasyon?" tanong ng kuwagong sepulturero.
"Sa takbo ng tanungan, mukhang dehado ang mga pigoy," anang kuwagong Kotong cop.
"Tiyak may ulong gugulong dito na parang gulong."
"Bakit ang PNP kapag nakapatay human rights violation, pero kapag sila ang napatay, no rights?" tanong ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Hindi natin masasagot iyan, kamote baka sila masasagot nila."