Hindi isang pipitsugin ang pinatulog ni Pacquiao. Si Barrera na tinaguriang "Baby-Faced Assasin" ay isang beterano. Hawak niya ang 47-4-1 record na may 40 KOs. Si Pacquiao ay may record na 37-2 at 29 KOs. Underdog si Pacquiao at dehado sa pustahan.
Lahat ng Pinoy ay nakatutok sa kani-kanilang TV sets upang mapanood ang laban. Halos lahat ay nasa loob ng bahay kaya walang trapik. Maski si President Arroyo at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ay hindi pinalampas ang laban na muling nagpakilala sa mundo ng kagalingan at kadakilaan ng isang Pilipino.
Ang tagumpay ni Manny Pacquiao ay nagpapatunay lamang na hindi pahuhuli ang Pinoy sa sports. Hindi lamang sa boxing kundi pati sa billiards, bowling at chess.
Sana naman ay hindi papuri sa pananalita at pakitang-taong parangal lamang ang ipapasalubong ng pamahalaan sa pagwawagi ni Pacquiao. Kailangan ang pinansyal na tulong at suporta ng gobyerno sa mga katulad ni Pacquiao upang sa ganoon ay mapanatili o mahigitan pa ang pag-ani ng tagumpay para sa bansa.