Inokupahan ng dalawa ang propyedad at umabot sa P24 milyon ang kanilang gastos sa bagong gusali na may dalawang palapag. Taong 1993, hindi na sila nakabayad ng renta dahil itinaas na ito ng LLC. Noong Agosto 26, 1996 bago pa man magtapos ang kontrata, sinulatan ng LLC sina Chang at Yang kung saan hiniling nito na lisanin na ng dalawa ang lugar dahil hindi sila nagbabayad ng renta. Hindi nagbayad ang dalawa hanggang matapos na ang kontrata, kaya, nagsampa ng kasong ejectment sa MTC ang LLC laban kina Chang at Yang.
Bilang depensa, iginit nina Chang at Yang ang probisyon sa kontrata na maaari silang magpatuloy na umokupa rito at dahil P24 milyon na rin ang kanilang nagastos sa pagbubuo ng gusali. Dagdag pa nila na ang LLC daw ang tumatanggi na tanggapin ang bayad nila sa renta. Pinaboran ng MTC sina Chang at Yang at dinismis ang reklamo ng LLC. Kinumpirma ito ng CA. Umapila ang LLC sa Korte Suprema. Tama ba ang MTC at CA sa mga desisyon nito?
MALI. Ang kontrata ng dalawang partido ay nakatakda lamang ng limang taon, kaya nagtatapos ito nang wala nang kinakailangang demanda pa mula sa may-ari nito. Sa kasong ito, natapos na ang kontrata noong Set. 15, 1996 samantalang ang reklamo ay naisampa noong Oktubre 9, 1996, kaya walang awtoridad ang MTC na magkaloob ng panibagong kontrata sa mga partido.
Kinailangan na magkasundo ang mga partido na ipagpatuloy ang kontrata bago pa man ito magtapos at hindi kapag natapos na.
Samantala, ang P24 milyon na nagastos nina Chang at Yang ay hindi sapat na depensa upang hindi sila magbayad ng renta at ipagpatuloy ang pag-okupa nito. Kaya nang hilingin ng LLC na lisanin nila ang lugar at hindi nila ito ginawa, nagsimula nang maging ilegal ang pag-okupa nila rito. Kaya, dapat ay lisanin nila ang lugar at bayaran ang mga renta na nararapat na matanggap ng LLC (LL and Company etc. vs. Huang Chao Chun and Yang Tung Fa, G.R. 142378 March 7, 2002).