Hepe ng perimeter security si Ramos sa raid sa Kuratong Baleleng hideout sa Superville, Parañaque. Sumpa niya na walong lalaki nga ang dinakip. Dinala sila sa Camp Crame sa sarili nilang dalawang L-300 vans. Pinatawag siya ni Col. Francisco Zubia sa opisina; naroon din si nooy Gen. Ping Lacson. Dinetalye ang planong pagsalvage sa mga bihag. Papalabas na sila nang sabihan ni Lacson si Ramos, "Baka may mabuhay pa diyan."
Sumakay si Ramos at mga tauhan sa vans na lulan ang mga bihag, at sumama sa mahabang convoy patungong Commonwealth Ave. Doon niratrat ng team ni Ramos ang isang van.
Sang-ayon ito sa report ng PNP Crime Lab nung 1995 na walang powder burns ang 11 pinatay; ibig sabihin hindi sila nagpaputok ng baril; walang shootout. Lahat sila may tama sa ulo, at walang sapatos. Butas-butas ang body ng vans. Pero ang kataka-taka, ayon sa official report nina Lacson at Acop, nakatakas daw ang dalawang drivers sa shootout. Di bat natural sa pulis na tumutugis sa vans ng bank robbers mula Parañaque hanggang Quezon City na asintahin ang gulong at drivers?
Kung hindi ma-reverse ang pag-dismiss ni Judge Teresa Yadao sa KB multiple-murder case, hindi na rin madidinig ang testimonya na tatlo pang bagong witnesses na dumulog sa private prosecutors. Isa dito, ayon kay Atty. Arno Sanidad, ay magpapaliwanag kung sinong heneral ang kumuha ng $2 milyon at P25 milyon sa dalawang maleta ni gang leader Wilson Soronda. Maiintindihan na rin kung bakit sa ibang lugar pinatay sina Soronda at kapatid na babae.
Yung dalawa pang witnesses, ilalahad kung pano pinagtakpan ng heneral ang pag-salvage sa Commonwealth at pagnakaw sa pera ng mga magnanakaw.
Si Yadao, ihahabla ng katangahan sa batas at pag-abuso sa poder.