Bakit mali si Yadao? (1)

HINDI hiningi ng prosecutors ng Kuratong Baleleng multiple murder na humusga si Judge Teresa Yadao na guilty ang 34 akusado. Patutunayan pa nila ‘yon kung natuloy ang paglilitis. Trabaho lang ni Yadao ngayon na husgahan ang "probable cause" – ‘yung kaliliit-liitang posibilidad na may naganap na krimen nu’ng Mayo 18, 1995. Sa ganu’ng paraan, ipa-aaresto ang sakdal para nasa kontrol ng korte habang nililitis.

Pero sabi ni Yadao walang probable cause. Hindi ito kapani-paniwala. Pabubulaanan siya ng simpleng pagbabasa ng affidavits ng tatlong bagong witnesses, at pagrepaso ng mga lumang dokumento na ani Yadao ay nasa mesa niya:

Team leader si PNP Insp. Ysmael Yu, PMA Class ’92, sa raid sa KB hideout sa Superville Subd., Parañaque nu’ng gabi ng Mayo 17, 1995. Sumpa niya, walong lalaki ang nahuling buhay, kasama ang dating pulis Carlito Alap-ap. Ni-report niya ito sa site kina Gen. Jewel Canson at Col. Francisco Zubia. Kinabukasan, narinig niya na napatay si Alap-ap, ‘yung pitong pang bihag at tatlo pang lalaki sa "shootout" sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Kinontra na sinumpaang salaysay ni Yu ang official report nina Canson, Zubia at noo’y Gen. Ping Lacson sa insidente ng Mayo 18. Anila naispatan ang dalawang L-300 vans ng KB gang sa Parañaque. Humabol sila hanggang Quezon City at nagkabakbakan kuno sa Commonwealth.

Probable cause na ang official report mismo. Inaamin kasi dito na pinatay ng mga pulis ang 11 lalaki. Basta may pinatay, turing agad ng husgado ay krimen, hanggang mapatunayan na inosenteng self-defense o police action o military operation pala.

Mas lalong probable cause ang kumokontrang affidavit ni Yu. Taglay nito ang posibilidad ng krimen-na ang shootout ay rubout pala.

Dahil sa kabulagan, balak kasuhan ng prosecutors si Yadao ng grave abuse of authority, ignorance of the law, incompetence at manifest bias. E di lalo na kung basahin ang dalawa pang affidavits nina Sr. Insp. Abelardo Ramos at SPO1 Wilmor Medes.

(Itutuloy bukas)

Show comments