Mailap ang hustisya para sa aktres at ang pangyayaring ito ay hindi na karaniwan sa bansang ito. Marami ang hindi nakakakamit ng hustisya sa kanilang namatay na asawa, ama o anak. Nilumot na ang kaso subalit walang matamong katarungan. Kung si Nida na isang sikat na aktres ay hindi agad makakuha ng katarungan, ano pa ang mahihirap o maliliit. At ang ganitong pangyayari ay maisisisi sa mga awtoridad dahil sa kabagalan ng kanilang aksiyon sa kaso. May katotohanan ang sinabi ni Kaye na dahil din sa kapabayaan kaya ang isang kaso ay nababaon na sa limot.
Marami ang brutal na pinapatay na hanggang ngayon ay hindi pa makita ang kanilang mga bangkay. Apat na taon na ang nakalilipas mula nang dukutin at patayin ang PR consultant na si Bubby Dacer at ang kanyang driver na si Emmanuel Corbito. Ngayoy wala nang marinig sa kaso.
Katarungan din ang hinahanap ng pamilya ni Edgar Bentain. Si Bentain ay ang casino employee na dinukot ng mga armadong kalalakihan noong 1998. Siya ang kumuha ng video habang naglalaro ng baccarat si dating President Joseph Estrada at Atong Ang. Masakit ang pangyayari na biglang nawala si Bentain at hanggang ngayon hindi malaman kung nasaaan na siya. Walang ipinagkaiba sa estilo ng pagkawala ni Dacer at Corbito.
Sina Nida, Dacer, Corbito at Bentain ay ilan lamang sa mga biktima na ang kaanak ay patuloy na naghahanap ng katarungan sa bansang ito. Kung sila na may sinasabi sa lipunan ay patuloy na napagkakaitan ng katarungan, mas lalo pa ang karaniwang mamamayan na basta na lamang dinudukot at ang katawan ay basta na lamang ibabagsak sa talahiban na tadtad ng bala.
Mabagal kumilos ang awtoridad. Mas marami ang pagtatalo at pagbabangayan kaysa tukuyin ang mga dapat managot sa kaso. Hindi masisisi ang mga naulila na magalit sa mga awtoridad o sa gobyerno mismo dahil sa mabagal nilang paghahatid ng hustisya sa mga biktima.