Pagsasabi ng 'salamat'

KAGANDAHANG-ASAL ang magsabi ng ‘‘salamat’’ sa kaninuman na nakagawa sa atin ng pabor o nakapaglingkod sa atin. Noong panahon ng ating Panginoon, nagpagaling siya ng napakaraming tao. Ang mga tao’y nagpapasalamat sa Diyos at sa kanilang paggaling. Pinupuri nila ang Diyos. Subalit sa Ebanghelyo ngayon, 10 na ketongin ang napagaling, datapwat isa lamang ang bumalik upang pasalamatan si Jesus sa kanyang paggaling. Basahin ang Lukas 17:11-19.

Sa paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at Humiyaw ng: ‘‘Panginoon! Mahabag ka sa amin.’’ Nang makita sila ay sinabi niya, ‘‘Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.’’ At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. ‘‘Hindi ba sampu ang gumaling?’’ tanong ni Jesus. ‘‘Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?’’ Sinabi ni Jesus sa kanya, ‘‘Tumindig ka’t humayo sa yong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.’’


Ang ketonging napagaling na bumalik kay Jesus ay isang Samaritano, isang banyaga. Ang siyam na iba pa ay mga Judio. Ni isa sa kanila ay di-nagpasalamat kay Jesus sa kanilang paggaling. Dapat sana’y bumalik sila kay Jesus upang pasalamatan. Subalit hindi nila ito ginawa.

Kailanma’y huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Panginoon para sa mga pabor na ibinigay niya sa atin. Matuto sana tayon maging mapagpasalamat.

Show comments