Ano sa atin itong impeachment?

ISANG buwan nang laman ng balita ang impeachment ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide. Ngayong araw na ito magkakaalaman kung ibabato ng Kamara de Representantes ang kaso para litisin ng Senado.

May tama at mali rin ang magkabilang panig. Tama ang Kamara sa paggiit ng poder na repasuhin ang paggasta ng pera ng bayan. Pero mali ang pilit nitong pagpasipot sa Chief Justice ng co-equal branch of government sa isang committee hearing. Tama ang Kamara na ipatawag ang resident auditor ng Korte Suprema. Pero mali ang interpretasyon nila sa audit report. Tama na maaring magharap ng impeachment complaint laban kay Davide sa hinalang nagwaldas siya ng pondo. Pero labas sa Konstitusyon na i-sakdal siya mahigit isang beses sa loob ng 12 buwan.

Tama naman na tanggapin ng Korte ang mga petisyon para ipatigil ang impeachment complaint. Pero mali ito sa pag-isyu sa Kamara ng status quo order.

Yayaman ang karanasan ng bayan sa gusot na ito. Lalo na kung sa huli, titignan ng lahat ang tama at baguhin ang mga mali. Pero dapat gawin ito nang mahinahon. At humingi sana ng paumanhin sa isa’t isa ang Kamara at Korte.

Matagal nabaling ang atensiyon ng lahat sa banggaan ng matataas na tao. Nalimutan tuloy ang mas kagyat na suliranin ng masa: gutom at sakit, kawalan ng bahay at hanap-buhay, polusyon at rebolusyon, droga at terorismo.

Maaring may magsamantala sa sigalot ang mang-agaw ng poder. Sa ngalan ng kaayusan, ipapataw muli ang batas-militar.

Pati si Erap nakigulo. Galit siya sa Korte dahil sa tatlong pasya nito na legal ang pag-akyat ni Gloria Arroyo sa Pangulohan nu’ng Enero 2001. Humahakot si Erap ng mga bata’t matatanda, bungal at kalbo para mag-rally kontra kay Davide. Pero alam naman natin, nandoon lang sila para sa pera. Hindi nila naiintindihan ang isyu, ni hindi nila ma-spell ang impeachment.

Show comments