Ang mga sub-kolektor naman nina Ibarra at Santos ay sina Bernie Mata, Ador Five-Six, Orly Labo, Fred Lasenggo, Aling Lita at isang Lelet ng Peñalosa sa Tondo, Inireremit ng mga sub-kolektor ang kanilang nakolekta sa dalawang pulis sa Army-Navy Club sa Luneta pero inilipat nila sa Jollibee outlet sa SM Manila nang matantiya nilang mainit na ang operasyon nila. Dapat siguro ipatawag din ni Col. Ernesto Ibay, hepe ng City Hall detachment, sina Ibarra at Santos dahil ipinangalandakan din nila ang pangalan niya sa mga vendors. Ano ba yan? Ipinagmamalaki pa ni Ibarra na hindi siya kayang ipatapon ni Ibay dahil kababayan niya ito sa Ilocos. Nakarating din kaya sa kaalaman ni Ibay na kamuntik nang makipagbarilan noong Oct. 12 sina Santos at Ibarra sa 15 pulis sa anti-littering dahil sa bukulan sa pera?
Kung si Uy ay nahagupit ni Atienza, hindi nalalayo na sina Chairman Turing Sy at Frankie Alejandro alyas Alejandrotong ay malapit-lapit na ring mahusgahan. Hindi kasi papayag si Atienza na ang pet project ng kanyang asawang si Bing ay madungisan ng ilegal na aktibidades nina Sy at Alejandrotong. Pati anak ni chairman Sy, na umanoy kumpare ni Mayor Atienza, ay namamayagpag na rin kung ang video karera ang pag-uusapan. Bakit tahimik si Atienza laban kina Chairman Sy at anak niyang si Randy at Alejandrotong samantalang mabilis siyang maghusga ke Uy? Gusto ko na ata maniwala na totoo ang ipinagyayabang nina Chairman Sy at Alejandrotong na malakas sila kay Mayor. Sa magkanong dahilan kaya? He-he-he! Salapi kaya ang dahilan?
Ayon sa dating tatlong itlog ni Chairman Sy na sina Baby Hikaw, Imelda at Jovy Komang, kumikita si Alejandrotong ng umaabot P50,000 kada buwan sa mga vendors diyan sa tulay sa likod ng Mercury drugstore. Binabanggit ni Alejandrotong ang pangalan ng anak ni Atienza na si Ali, na umanoy kaklase niya at presto hindi na ginagalaw ninuman ang mga vendors ng bag na nagkalat diyan sa taas ng tulay. Ang ilalim ng tulay naman ay halos puno na rin ng squatters na nagsilbing taguan ng mga snatchers at holdaper. Naging pugad din umano ang ilalim ng tulay ng mga drug pushers. At ang balita ko ay nagtatago sa ngayon itong si Tessie Talangka. Kung wala kang kasalanan, Maam Tessie, bakit kailangan mong magtago?