Ang impeachment complaint na isinampa ng mga kongresista laban kay Chief Justice Hilario Davide Jr. ay may kaugnayan din sa corruption. Nakatuon ang paningin sa Judicial Development Fund. Kinukuwestiyon ang magagarbong bahay bakasyunan, magagarang sasakyan, mamahaling kurtina at pagre-renovate ng Supreme Court building.
Corruption din ang isinigaw ni Sen. Panfilo Lacson kay First Gentleman Mike Arroyo. Inakusahan niya ng money laundering activities si FG Arroyo. Si FG Arroyo umano ay si "Jose Pidal". Lumutang naman si Igancio Arroyo at sinabing siya si "Jose Pidal". Ngayon ay wala nang marinig sa Pidal.
Mula July, niyayanig ng mga kontrobersiya ang bansa at pawang tungkol sa corruption ang isyu. Pinaka-latest na kontrobersiya ay ang pagtake-over ng isang ex-aviation chief sa control tower ng Ninoy Aquino International Airport kahapon ng madaling araw. Kasama ni dating Air Transportation Office (ATO) chief Panfilo Villaruel si Navy Lieutenant Ricardo Gatchilier nang kubkubin ang tower dakong alas-tres ng madaling araw. Tatlumpong minutong sinakop ng dalawa ang tower bago napasok ng Aviation police at napatay ang dalawa.
Nainterbyu ng radio station DZBB si Villaruel at ang corruption sa pamahalaan ang kanyang sinisigaw. Mayroon aniya siyang mga proyekto, gaya ng ng mga inimbento niyang eroplano na hindi sinuportahan ng gobyerno. Sinabihan niya ang taumbayan na gumising. Bigla habang nasa kainitan ng interbyu ay nakarinig ng mga putok, "I surrender! I surrender!" sigaw ni Villaruel at narinig sa radio ang naghihirap nitong paghinga.
Naimpluwensiyahan ba ang dalawa ng Magdalo Group kaya nagawa ang pagtake-over sa tower? Walang nakaaalam. Ang sabi ni Villaruel hindi sila terorista. Kaya lang, bakit may dala silang baril, granada at ammunition. Isang palatandaan na may maitim silang balak. Kung ang hangad nilay isigaw ang kanilang galit sa mga corrupt sa pamahalaan hindi sana sa lugar na iyon ginawa na maraming mapipinsala. Tiyak na katatakutan na naman ang Pilipinas. Kawawang Pilipinas na sumisikat dahil sa mga corrupt.