Aniya, "nandiyan lahat ng mga loko-loko natin. Andiyan ang mga druglords, lahat ng Intsik na gusto kong bitayin. Kaya nariyan ang problema."
Dagdag pa ni Santiago, "nanunuhol sila kung hindi nila kami makuha kung saan-saan dinadala ang pera na galing din sa droga kaya madalas natatalo kami."
Ang tinutukoy ni Santiago ang notoryus na building 13-C. Ang mga nakabilanggo dito ay yung may mga tatak na BC-45.
Umabot sa amin ang impormasyon sa loob mismo na talamak ang bentahan ng shabu. Inu-obliga raw ang mga nakakulong sa nabanggit na gusali ng kanilang "bosyo" (mayor) na si Tata Sabillano na magbenta ng shabu.
Ayon sa sumbong, kapag na-short sila sa kanilang bentahan ng droga ipinababartolina raw sila sa utos daw nitong si Sabillano. Naisulat ko na ito kahapon sa "BITAG" sa panghapong tabloid ng diyaryong ito, ang PM (Pang Masa).
Laking gulat ko nung sinabi ni Santiago, "alam mo, Ben. Ang malaking problema namin ay natatalo kami sa Korte." Pati daw ang pagbabartolina nila sa mga notoryus na mga preso bilang disciplinary action kinukuwestiyon ng Korte?
Ayon pa kay Santiago, "ang nangyayari dito yung mga drug lord ng mga nakakulong ang namamayagpag. Sinabi ni Santiago na wala raw silang panalo sa "legal battle" dahil magagaling ang mga abogado ng mga ito.
Diretsong magsalita si Santiago. Lalo akong napahanga sa kanyang mga binitawang pahayag, live sa aking radio program sa "Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO" sa DZME.
Aniya, "ang problema namin, we are weak in legal. Dadalawa lang ang abogado namin. Sa totoo lang humihingi pa kami ng tulong sa iba. Itong hinahabol namin ngayon is a land mark case, kapag lumusot ito, the whole correctional system natin hindi lamang ang national penitentiary ang aabutin ng malas."
"Dahil hindi na natin madidisiplina ang mga inmates. They can do what they want. Isang halimbawa, dalawang nasa death row nahuli naming nagpa-pot session. Pero nung paglabas ng desisyon ng korte, planted daw ang evidence."
Ramdam ko ang nararamdaman ni Santiago. Pati kapatid niya ay kagalit niya na. Tumatayo kasi itong abogado sa kabila.
Sa mga sinabi ni Santiago eksklusibo sa aking radio program, ipinakita niya ang kahinaan ng ating sistema. Nakakabahala kapag itoy mananatili ng ganito.
Samakatuwid, wala palang saysay ang sistema ng ating mga bilangguan partikular na ang New Bilibid Prison (NBP).
Ang nagpapatakbo pala sa ating mga bilangguan hindi yung ating PAMAHALAAN, kundi yung makapangyarihang "pamahalaan" sa ilalim ng kapangyarihan ng droga!