Ang pinakamalaking pangangailangan sa pabahay ay nasa NCR na humigit kumulang na 1,096,054 na bahay, sumusunod ang Region IV na may 655,123 at Region III na 344,152.
Sa ganitong pananaw, hindi maikakaila na ang programa sa pabahay ay patuloy na isa sa mga pangunahing programa ng maraming administrasyon. Subalit ang mga ahensiyang nagpapatupad ng programa sa pabahay ay nakakakuha lamang ng mas mababa sa 1% ng kabuuang badyet ng pamahalaan. Sa katunayan, noong 2001 0.82 % lamang ng kabuuang badyet ang napunta sa pabahay, 0.26% naman noong 2002 at 0.33% naman para sa 2003. Napakaliit lamang ito kumpara sa kabuuang pondo ng pamahalaan.
Ganoon pa man, patuloy pa rin ang aming pagsisikap na magampanan ang aming tungkulin upang sa gayon ay matupad ang pangarap na ang magkaroon ng disente at maayos na tahanan ang bawat pamilyang Pilipino. Nitong mga nakaraang buwan, patuloy pa rin ang aming pagbabago sa aming mga polisiya upang maging mas mapadali ang proseso ng pagtatayo ng bahay at gawing mas magaan ang financing para sa mga gustong umutang para bumili o magpatayo ng bahay.
(Itutuloy)