Tambak ang pila ng tao sa mga nabanggit na opisina. Karamihan sa mga opisina ay kay dumi na hindi na yata nalilinis. Ang amoy ng kapaligiran lalo na ang mga toilets ay maluluma ang smokey mountain. Masuwerte na nakakahinga pa paglabas.
Ngayong nakarating ka na sa clerk na dapat mong kausapin, maghihintay ka ng siyam-siyam sapagkat magmimiryenda pa ang hinayupak o kaya naman nagte-text. Pagbalik nito upang handa nang harapin ka, kung anu-ano ang hihingin sa iyong mga dokumento na kung malas-malas na wala ka ng mga ito ay gusto mo nang maghuramentado dahil sa pababalikin ka upang dalhin ang mga kinakailangan pang mga papeles.
Tingnan na lang ninyo ang nangyaring ito sa isa sa mga nagreklamo sa akin. Kailangan niyang kumuha ng original copy ng kanyang birth certificate. Dalawang ulit siyang pinabalik sapagkat hindi makita ang mga records niya. Kaya, sinabihan siyang kumuha ng baptismal certificate. Kahit na sa Maynila siya ipinanganak, sa Bicol siya bininyagan kaya nagsadya siya dito upang personal na kunin ang kailangan. Hindi pa tapos ito. Hiningan pa siya ng transcript of records kung saang school siya nag-aral.
Libu-libong mga kababayan natin ang dumadanas ng ganitong kalbaryo. Maraming oras at pera ang nasasayang dahil sa hindi nabibigyan ng masusing pag-aaral upang maiayos ang mga naturang records na marahil ay kakailanganin ng ating mga mamamayan sa mga darating na araw. Responsibilidad na malaki ng ating pamahalaan ang ayusin at seguruhing laging malinis ang lahat ng mga gusali at mga tanggapan na pinupuntahan ng ating mga kababayan. Isa pa, dapat tandaan ng mga kawani ng mga ahensiya ng gobyerno lalo na ng mga nabanggit naming mga tanggapan na obligasyon nila ang magsilbi ng maayos sa taumbayan.