"Matapos ang pamamaslang sa pinaghihinalaang kasapi ng Kuratong sa Commonwealth Ave., Quezon City, kami ay naihabla sa kasong robbery dahil sa ibinulgar ni Mario Enad na kami ang tumangay ng ari-arian sa hideout sa Superville Subd., Parañaque.
"Kami at ang iba pang kasapi ng aming grupo ay tumanggap ng subpoena galing sa Ombudsman na sagutin ang habla. Pinulong kami ni Zubia, sinabihang huminahon at bibigyan niya kami ng libreng abogado.
"Makaraan ang ilang araw, pinapunta kami ni Zubia sa opisina ni Atty. Franch Chavez, at doon kami ay kinausap, kinuha lang ang aming pangalan at tirahan. Pagkalipas ng isang linggo, pinabalik kami ni Zubia kay Chavez upang lagdaan ang counter-affidavit na nagsasaad na hindi kami kasama sa operasyon sa Superville laban sa Kuratong.
"Habang binabasa namin ang nasabing counter-affidavit, nagsalita si Zubia na lagdaan na namin dahil wala naman itong problema, at kami ay mapapawalang-sala.
"Alam namin na labag sa batas ang pagsisinungaling; ngunit dahil sa utos sa amin ni Zubia na ito lamang ang tanging paraan upang takpan ang katotohanan sa mga pangyayari noong May 17-18, 1995, kami ay lumagda sa kanya-kanyang counter-affidavit sa harap ni Zubia."
Si Enad, na tinukoy nina Ramos at Medes sa bagong affidavit, ay isa sa limang orihinal na testigo sa multiple murder. Siya lang ang hindi nag-recant nung 1999. Sa kanya ibinigay ng mga rumatrat ang damit ng 11 biktima balato raw niya bilang civilian agent ng Traffic Management Group. Unti-unti nang lumilinaw kung pano pinagtakpan ang pagratrat para nakawin ang Kuratong loot na $2 milyon at P25 milyon.