Sa kasalukuyan, nag-aaway sina chairman Turing Sy at Franklyn Alejandro alyas Alejandrotong bunga sa sunud-sunod kong expose sa mga ilegal diyan sa Divisoria. Pilit nilang inaalam kung sino talaga ang nagbibigay ng detalye sa akin kasi takot silang ibagsak ni Mayor Atienza ang kanyang kanang kamay sa mga katiwalian nila. Sina Chairman Sy at Alejandrotong kasi ay kapwa kumikita sa mga Pinoy vendors sa pamamagitan ng pagbigkas lang ng pangalan ni Mayor Atienza. Sila ang nasa likod ng mafia na kinakatakutan ng mga Pinoy vendors sa Divisoria, he-he-he! May kalalagyan kayo sa darating na mga araw chairman Sy at Alejandrotong.
Ang mga pulis naman na nakikinabang sa night market ni Atienza ay sina Rey Perez ng Station 2 at Exor Perez ng Station 11. Ang dalawang Perez ang tinatawag na kolektor ng intelihensiya ng mga amo nila. Sa kampo naman ni Alejandrotong, sina Basmayor at Rasute ng Station 11 din ang ipinagmamalaki ng alipores niyang si Tessie Talangka na nakabase sa Ilaya. Sa pagkaalam ko, sobra ang galit ni Tessie Talangka sa akin, pero wala akong magagawa dahil ginagampanan ko lang ang aking trabaho. Kaya kay Tessie, hindi ako titigil hanggang sa mabuwag ko ang sindikato nyo ni Alejandrotong na milyon ang kinakaltas sa mga kawawang Pinoy vendors, he-he-he! Tiyak magiging mahaba ang bakasyon mo Mam Tessie.
Ito palang si Tessie ang nagbibigay ng pang-goodtime ni Alejandrotong gabi-gabi. At kaya pala abot-langit ang bantay nina Basmayor at Rasute doon sa tindahan ni Tessie Talangka sa kanto ng Soler at Claro M. Recto Sts. dahil tumataginting na P1,000 ang budget nila araw-araw. Kaya imbes na manghuli ng mga kriminal tulad ng snatcher, mandurukot at holdaper, eh nandoon lang sa tindahan ni Tessie itong sina Basmayor at Rasute. Ang buwenas na mga nilalang at ginagamit ang tsapa sa ibang pagkakitaan.
Kumusta na kaya sina Gerry Escultor at Jerry Tamondong?
May Karugtong.