Ang NAMFREL ay isang non-government entity na nagsisilbing tanod ng bayan upang tiyaking walang dayaan sa eleksyon. Gumagawa ito ng sariling pagbibilang. Bagamat unofficial, ito ay may layuning bawasan, kundi man tuluyang pigilan ang pandaraya sa eleksyon. Bakit ito tatanggalan ng mahalagang papel sa pagtatanod sa eleksyon?
Inamin ni Chairman Abalos na tatlumpung porsyento pa lang ang computerization ng halalan. Kapos daw sa pondo kung kayat hindi pa nalulubos. Ang 70 porsyento ng halalan ay gagawin pa rin sa nakamulatang paraang mano-mano. Naririyan pa rin ang human intervention na puwedeng gamitin ng mga tiwaling kandidato sa pandaraya.
Maganda ang computerization kung ito ay siyento porsyento. Pero habang itoy ginagamitan ng mano-manong bilangan at ang resulta ay ibinabiyahe mula sa mga presinto patungong munisipyo, hindi mawawala ang panganib ng dagdag bawas. Naririyan pa rin ang tsansa ng mga mandarayang kandidato para palitan ang mga ballot boxes.
Mula pa noong 1986, nagsilbi nang citizen arm ang NAMFREL para siguruhin na ang bawat boto ng mga mamamayan ay nabibilang. Simbolo na ito ng demokrasya sa ating bansa. Panawagan natin sa COMELEC na huwag namang supilin ang NAMFREL sa pagsasagawa nito ng unofficial count ng mga boto.
Wala na nga bang silbi ang unofficial count ng NAMFREL dahil sa computerization na hindi raw ubrang dayain? Papaano naman sa mga lugar na mano-mano pa rin ang bilangan? Diyan puwedeng sumalisi ang mga mandarayang pulitiko, di ba?
Kaya please, please, huwag alisan ng importanteng papel sa eleksyon ang NAMFREL.