Kaso ng DPWH director

SI Roland ay regional director ng Departament of Public Works and Highways. Noong 1993, bumili siya ng lupa’t bahay sa California, USA sa halagang P3.9 milyon. Ang kanyang taunang kita ay P168,648.00 lamang kaya naging isyu ito at nalathala sa isang pahayagan.

Samantala, isang unverified letter-complaint ang ipinarating ni Joey, isang residente ng California, sa Philippine Consulate General ng San Francisco. Dito ay inakusahan niya si Roland ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na kayamanan na lumalabag sa Section 8, RA3019 (Anti-Graft Law). Kalakip nito ay isang kopya ng Grant Deed na nagpapatunay ng pagbili; isang special power of attorney na sinumpaan ni Roland at ng kanyang asawa na nagsasaad ng paghirang sa kanyang hipag sa pamamahala sa pagbili; at kopya ng nasabing pahayagan. Ang nasabing liham ay isinangguni ng konsul sa Presidential Commission Against Graft and Corruption (PCAGC).

Sampung buwan tumagal ang imbestigasyon ng PCAGC. Itinanggi ito ni Roland samantalang si Joey ay hindi man lamang nagpakita at hindi na rin natukoy ang kanyang tirahan. Matapos ang imbestigasyon, napag-alaman na hindi nga tugma ang kakayahan niyang bumili ng nasabing bahay at lupa sa kanyang tinatanggap na suweldo bilang regional director. Patunay na rin ang pagtanggi ni Roland na isumite ang kanyang Statement of Assets and Liabilities at Net Worth pati na ang kanyang Income Tax Return sa takot na makumpirma ang reklamo laban sa kanya. Nadismis si Roland sa serbisyo at nawalan na rin siya ng karapatan sa lahat ng benepisyong matatanggap.

Kinuwestiyun ni Roland ang desisyon. Ipinagkait daw sa kanya ang karapatan sa wastong pagdinig ng kanyang kaso. Dapat daw na ituring ang unverified complaint ni Joey bilang hearsay lamang. Iginiit niya na dapat isinaalang-alang ang kanyang sinumpaang salaysay kaysa sa hindi pagsipot ni Joey o ang kawalan nito ng representasyon habang dinidinig ang kaso. Tama ba si Roland?

MALI.
Sa kasong administratibo tulad ng paglabag sa Anti- Graft, ang PCAGC ang may hurisdiksyon. Hindi mawawala ang hurisdiksyon ng PCAGC kahit na hindi sumipot ang nagreklamo o nakaharap ito ng inireklamo. Ang reklamo laban sa mga opisyal ng gobyerno ay maaaring ihain sa anumang paraan. Sapat na kung ang bawat partido ay nagkaroon ng oportunidad na ilahad ang kanilang mga panig bago pa man ibaba ang desisyon.

Sa kasong ito, hindi nagkulang ang PCAGC na abisuhan si Joey sa pagdinig ng kaso kaya lamang hindi na natukoy ang kanyang tirahan. Samantala, hindi naman maitatanggi ni Roland na hindi siya nabigyan ng due process dahil kahit na hindi niya nakaharap si Joey, kusa naman siyang sumailalim sa hurisdiksyon ng PCAGC. Naipagtanggol din siya ng kanyang abogado. Kaya, tama ang naging desisyon ng PCAGC (Montemayor vs. Bundalian et. al. G.R. 149335 July 1, 2003).

Show comments