"May 17, 9 p.m., niradyo ako sa SOU Limbas Office ni TMG chief Col. Francisco Zubia na pumunta agad sa Camp Bagong Diwa, Bicutan. Pagdating ko, nagradyo uli si Col. Zubia na tumuloy sa opisina ni Gen. Jewel Canson, PNP-Metro Manila chief, sa kampo ring yon para sa pulong kung saan ilalahad ang operasyon laban sa KB.
"Nandoon din sa pulong sina Gen. Panfilo Lacson, hepe ng Task Force Habagat, Gen. Romeo Acop, hepe ng Criminal Investigation Command, C/Insp. Erwin Villacorte, Supt. Zorobabel Laureles, at iba pa.
"Sa pulong inatasan akong sumunod sa V-150 armored personnel carrier para magsilbi kaming perimeter defense sa Superville, Parañaque, kung saan may hideout ang KB/Solido Group.
"Naghintay kami roon ng enkuwentro, pero wala kami narinig na barilan. Umalis ako sa kotse at tinungo ang V-150 na pumasok sa bahay. Nakita kong walo katao ang nabihag ng police unit na unang sumugod.
"Sinakay namin ang walo sa dalawang L-300 vans at tumungo sa TMG sa Camp Crame. Tinawag ako si Col. Zubia para sa isa pang pulong kina Lacson, Acop, Laureles, Villacorte, at iba pang opisyales ng PNP.
"Utos ni Col. Zubia, dalhin namin ang mga bihag sa Commonwealth Ave., patayin pag baba ng flyover, at palabasing nagka-enkuwentro. May clearance raw ito sa nakatataas. Tumango si Lacson pagsang-ayon sa buong plano. Bago ako umalis, sinabihan pa niya ako na "baka may mabuhay pa diyan."
"Sumakay ako at tatlong tauhan sa unang van, kasama ang apat sa nahuli sa Superville. Sumunod ang ikalawang van sa Commonwealth. Doon isinagawa ang utos nina Lacson, Acop at Zubia.
"Dumating si Maj. Glenn Dumlao kasama ang mga tauhan at inako ang umanoy shootout. Nilagdaan: March 24, 2001."