Malaki ang naitutulong ng industriyang ito sa mga kababayan nating gustong magsarili sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produktong dekalidad at serbisyong may kabuluhan.
Hindi biro ang pumasok sa multi-level marketing dahil pawis ang ibinubuhos dito. Sipag at tiyaga. Kung wala kang benta, wala kang kita.
Iba ang katangian ng mga naniniwala sa industriyang ito. Iba rin ang kanilang pananaw kaya kalimitan natatamasa nila ang tagumpay na kanilang inaasam-asam. Ang pagiging financially independent.
Dahil sa panloloko ng ilan sa mga kumpanyang nasa likod ng pyramiding scam, matindi ang dagok ang tinamo ng industriyang ito simula nung buwan ng Marso.
Nagsanib ang puwersa ng SEC at DTI at kara-karakang naglabas ng kanilang talaan ng mga kumpanyang kanilang pinaghinalaang sangkot sa pyramiding scam.
Hindi pa nga sila nag-umpisa ng kanilang imbestigasyon noon, nagbigay agad ng babala sa mga embahada natin sa mga bansang may mga Overseas Filipino Workers (OFW) laban sa mga kumpanyang kanilang pinangalanan.
Kumbaga ang gustong mangyari ng SEC at DTI noon ay patunayan muna ng mga kumpanyang kanilang pinaghinalaan na silay inosente at hindi sangkot sa illegal pyramiding bago sila matanggal sa listahan.
Hanggat hindi sila nakumbinsi ng mga kumpanyang kanilang inakusahan, patuloy mananatiling pyramiding at network marketing scam ang mga ito sa kanilang listahan. Sa maikling salita, guilty until proven innocent.
Nung mga panahong yon, bumagsak ang benta ng mga kumpanyang napabilang sa listahan simula 30 hanggang 75%. Ang hirit naman ng DTI at SEC noon, di bale bumagsak ang kanilang mga benta huwag lang maloko si Juan De La Cruz.
Naging maingat nga ang mga kababayan natin at hindi na ganun kadali ngayon ang mabiktima ng pyramiding scam. Subalit, nandiyan pa rin yong mga manloloko at mga scam artists sa industriya ng network marketing.
Patuloy kaming magbibigay ng babala sa kolum na to. Patuloy na magbabantay sa mga aktibidades nitong mga putok sa buhong na lumipat lang sa mga lehitimong network marketing company.
Tandaan, hindi puwedeng gawing basehan at sabihin na dahil rehistrado, legal at lehitimo ang isang networking company hindi ka na puwedeng maloko.
Marami sa mga dalubhasang miyembro ng mga kumpanyang nasa likod ng pyramiding scam noon ay nagbebenta na ngayon ng mga produkto ng mga lehitimong network marketing company.
Mas delikado pa nga ngayon dahil may dahilan na silang sabihin legal at lehitimo ang kanilang produkto. Dala-dala rin nila yung panloloko at panlilinlang dahil nakaangkla na ang katangiang ito sa kanilang pagkatao.
Mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat.