Jamby kontra child abuse at pulitika

DAHIL sa sobrang pulitika sa pamahalaan, napapabayaan ang programa laban sa kahirapan. Dahil diya’y laganap ang prostitusyon at pang-aabuso sa mga bata na karaniwang makikitang nanlilimahid at nagpapalimos sa lansangan kundi man nalululong sa pagbebenta ng sarili kahit sila’y musmos pa.

Dahil dito hiniling kamakailan ni dating Presidential Adviser for Children’s Affairs Jamby Abad Santos Madrigal sa lahat ng sektor ng lipunan na bumuo ng isang "united front" para sugpuin ang salot na ito sa lipunan.

Aniya, dahil sa labis na pamumulitika, nakakalimutan ng pamahalaan ang mahahalagang isyu tulad ng kondisyon ng may 200,000 batang lansangan na ang nakararami’y naglipana sa Metro Manila. Habang papalapit ang Pasko, lalo namang naglisaw ang mga batang nagpapalimos sa daan. Iya’y bagay na naglalagay sa kanila sa panganib na masagasaan ng mga sasakyan.

Marami tayong naririnig na programa ng gobyerno para sa kapakanan ng mga bata pero iyan ba’y hanggang pagbibigay lamang ng materyal na bagay? Hindi sapat iyan, ani Jambi. And I absolutely agree with her na kailangang bigyan ng pagsasanay sa sari-saring skills ang mga batang ito para maging produktibo at hindi yagit sa lipunan.

Idealistic
pa ang pananaw ni Jambi dahil bata pa. Sa tingin ko’y talagang kailangan ang batang dugo sa ating pamahalaan. Siya ay apo ng pambansang bayaning si Chief Justice Vicente Abad Santos at ang pinaka-baby niyang proyekto ay ang pag-aangat sa kapakanan ng mga bata. Nangunguna rin siya sa bagong grupo ng mga kabataang tinaguriang Kontra Pulitika Movement.

At naniniwala ako na ang dahilan kung bakit napapabayaan ang mga mahahalagang proyekto ng gobyerno sa kapakanan ng taumbayan ay dahil sa sobrang pamumulitika para sa kapakanan ng lukbutan at makasariling interes ng mga gagong pulitiko.

Show comments