Hindi naman natin masasabing bobo sa pulitika ang mga Italyano. Wala pang Amerika at Britanya, meron na silang sistemang gobyerno na kayang manakop ng ibang bansa. Meron silang Senado na naghihirang ng emperador, tulad ni Julius Caesar. Meron silang tradisyon ng halalan.
Sinusuri na binoto pa rin ng mga Italyano si Ciccolina bilang ganti sa madudumi at makasariling politiko. Palubog ang Italy noon habang lumalakas ang ekonomiya ng mga kapit-bansa sa Europe. Sinaad ng mga botante ang galit nila sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagluklok sa isang exhibitionist na ginawang circus ang parliament. Pero hindi na nila yon inulit sa mga sumunod na eleksiyon.
Sa Pilipinas kung sinu-sino na lang ang hinahalal sa Senado. Basta popular, panalo na. Hindi tinitingnan ang karanasan o kakayahan sa pag-akda ng batas at sa pamumuno. Ito ay hindi dahil sa galit ng botante sa marurumit makasariling pulitiko. Walang matagal na karanasan ang Pilipino sa pagtatatag ng bansa. Mababaw pa ang kaalaman sa gobyerno.
Sinasamantala ito ng mga may kaya. Basta may pera kandidato na, miski walang plataporma, miski drug o jueteng lord. Samantala, umiiwas sa pulitika ang mga may pinag-aralan, may bisyon ng magandang-bukas para sa bansa, at may karanasan sa pamumuno sa negosyo o sa civil society.
Tinuturing nilang marumi ito, kaya ayaw nilang pasukin.
Sa dakong huli, paulit-ulit lang tuloy naluluklok ang mga walang "K". Kaya palubog ang Pilipinas. Dapat siguro gisingin natin ang ating sarili. Maghalal din tayo ng porn star sa Kongreso, para madala tayo.