Sino ang may kagagawan ng pagsabog na iyon? Si Fathur Rohman Al-Ghozi, ang Indonesian bomb expert na tumakas sa Camp Crame noong July 14. Napatay si Al-Ghozi noong Linggo ng gabi sa Pigkawayan, North Cotabato. Limang tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ng teroristang uhaw sa dugo ng kanyang kapwa. Napatay na si Al-Ghozi pero kulang pang kabayaran sa ginawa niyang partisipasyon sa December 30 bombings. Kulang pa sa ginawa niya at kanyang mga kasama sa pagsira ng pangarap ng mga inosenteng mamamayan na walang muwang sa kanilang ipinaglalaban.
Kasama ni Al-Ghozi sa pambobomba si Muklis Yunos. Si Al-Ghozi ang nagplano at tumulong sa pagbibigay ng pondo para maisagawa ang pambobomba. Si Yunos ang naghanda ng timing device sa mga bomba. Nakilala si Yunos ng isa sa mga testigo. Anang testigo bago dumating sa Blumentritt Station ay bumaba na si Yunos at ilang minuto ang lumipas ay sumabog na ang bomba.
Marami ang kumukuwestiyon sa pagkamatay ni Al-Ghozi. Rubout umano at hindi shootout ang nangyari. Maraming senador at kongresista ang duda. Ang kanilang pagdududa ay lumala nang kumalat ang balitang matagal na umanong patay si Al-Ghozi bago pa ang shootout. Matagal na rin umanong nasa custody ng military si Al-Ghozi at itiniyempo ang pagpatay sa nalalapit na pagdating ni US President George W. Bush sa Sabado. Isang legislative inquiry ang demand ng mga mambabatas.
Imbestigasyon na naman ang kanilang hiling. Lumalabas na katarungan ang kanilang hanap sa pagkamatay ni Al-Ghozi. Pero naisip ba naman kaya ng mga mambabatas na ito ang katarungang dapat makamit ng mga biktima ng pambobomba. Naisip kaya nila ang malagim na nangyari sa mga walang muwang na bata na nadamay sa pambobomba?
Panahon na marahil para tanungin ng ilang beses ng mga magagaling na mambabatas ang kanilang mga sarili.