Pera ng Kuratong motibo sa rubout

PASYA ng marami na buti nga’t niratrat ng pulis ang Kuratong Baleleng robbers nu’ng May 1995. Sunud-sunod ang ninakawan nilang bangko at armored cars. Nanakit at pumatay pa ng depositors at guwardya. Hangga ngayon may natira pang KB na nangho-holdap at nangki-kidnap. Ubusin na sana sila ng pulis.

Ang masaklap lang sa ratratan, salvaging or summary execution ay hindi lubos ang katarungan. Gan’un ang nangyari sa 1995 KB massacre, nang tangayin umano ng pulis ang ninakaw na $2 milyon at P25 milyon.

Ayon sa routine investigation ng PNP at NBI, kasunod ang inquiry ng Senado, ‘yung perang nakaw ang naging rason para patahimikin ang 11 KB suspects. Walo sa kanila ay nahuling buhay sa Superville Subd., Parañaque, nu’ng gabi ng May 17. Ayon sa witnesses, sa hideout na ‘yun nakatago ang maletang may P25 milyon, bahagi ng ninakaw sa Allied Bank nu’ng Mayo 2.

Bagamat hindi inamin ng mga pinuno ng PACC at PNP, may tatlo pang lalaki at isang babae na hinuli sa kasabay na raid sa Camia St., Alabang. Ang babae ay si Gemma Siplon, kapatid ni KB leader Wilson Soronda. Sinama ang tatlong lalaki sa walong nauna, at dinala sa Commonwealth Avenue, Quezon City, para barilin sa ulo. Si Gemma, sinaksak dalawang beses at itinapon sa highway sa Biñan, Laguna.

May dala ring pera si Soronda sa kotse: $2 milyon at P250,000, bahagi rin ng ninakaw. Nang walang sumagot sa telepono sa Superville nu’ng umaga ng May 18, tumungo si Soronda at dalawang dalagitang pamangkin, Jane Gomez at Jinky Pait, sa Camia St. Hinuli sila ng PACC at tinangay din ang pera. Pinatay si Soronda sa Pasig at minolestiya ang dalawang babae sa Antipolo safehouse ng PACC.

Pinalabas ng PACC na shootout ang naganap sa Commonwealth Avenue. Pinuri ang "galing" sa intelligence nina Gens. Jewel Canson, Ping Lacson, Romeo Acop at Francisco Zubia. Hulaan niyo kung sino sa kanila ang lumipad sa Hong Kong makalipas ang ilang araw para magdeposito.

Show comments