Hindi man nai-coordinate sa pamunuan ng taga-Cotabato, hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ngayon ay wala na ang mamamatay-taong si Al-Ghozi, na isa sa mga naghanda ng bomba at sabay-sabay na pinasabog sa Metro Manila noong Dec. 30, 2001 na 22 katao ang napatay at may 100 ang grabeng nasugatan. Si Al-Ghozi ay banta sa seguridad ng Pilipinas at maging ng ilang bansa sa Asia. Ang Jemaah Islamiyah (JI) na kanyang kinaaaniban ay walang kinikilalang kapwa at mga uhaw sa dugo. Sabik silang pumatay ng kapwa. Iba ang kanilang paniniwala at hindi katanggap-tanggap.
Tumakas sina Al-Ghozi, kasama ang dalawang Abu Sayyaf members na si Abdulmukim Edris at Omar Opik Lasal noong July 14, 2003. Napatay si Edris sa isang checkpoint noong Agosto samantalang si Lasal ay nadakip noong nakaraang linggo. Ang pagkakatakas nina Al-Ghozi ay nagbigay ng kahihiyan hindi lamang sa PNP kundi pati sa Pilipinas mismo. Ang Pilipinas ay isa pa naman sa mga bansang sumusuporta sa pagdurog sa terorismo. Kahiya-hiya na natakasan ang PNP ng isang miyembro ng JI. Ang JI ang isa sa kinatatakutang grupo ng teroristang nakakukuha ng suporta kay Osama bin Laden, ang arkitekto ng September 11, 2001 US attack.
Ang pagkakapatay sa terorista ay hindi rin naman makapagbibigay kaagad ng puntos sa PNP. Sila rin kasi ang may kasalanan kung bakit nakatakas ang terorista. Kung hindi napatay si Al-Ghozi, tiyak na hindi na sila makaaahon sa kahihiyan. Lalo pa at sunud-sunod ang mga kontrobersiyang nangyayari sa loob ng Camp Crame, na tahanan ng PNP.
Ang pagsasagawa ng matibay na kulungan sa Crame para sa mga high-profiled terrorists ay dapat nang madaliin upang maiwasan na ang pagtakas na gaya ng ginawa nina Al-Ghozi.