Mula nang sumabog ang balita sa pagbuhay sa Kuratong, hindi na nakita si Lacson. Hindi na siya dumalo sa session ng Senado. Umanoy nasa isang out-of-town engagement. Sabi naman ng kampo ni Lacson hindi ito nagtatago at nag-iingat lamang sa mga taong nagsu-surveillance sa kanya. Hindi na rin naisambulat ni Lacson ang kanyang Chapter 3 expose laban kay First Gentleman Mike Arroyo.
Sa isang mensahe ni Lacson na binasa ni House Assistant Minority Leader Gilbert Remulla, sinabi niyang siya ay isang good guy na sa simula pa lamang ay kalaban na ng mga masasama sa lipunan. Kalaban siya ng mga kidnappers, drug lords, bank robbers, kapwa pulis na nangongotong at mapang-abuso. Pinatino niya ang mga pulis, binawalang mag-golf at inatasang paliitin ang mga bundat na tiyan.
Ang mga achievements na iyon ay tila nalilimutan na raw ng mamamayan. Maikli na umano ang memorya sa mga ginawa niyang achievements noong siya ay hepe pa ng Philippine National Police. Ayon kay Lacson ay sinisira siya at pinakikilalang bad guy ng Administrasyong Arroyo. Maraming black propaganda laban sa kanya. Marami ang nakikisimpatya kay Lacson. May mga nagsabi na ang pagbuhay sa Kuratong ay bahagi ng pagsira sa kanya at ambisyon nitong maging presidente ng Pilipinas.
Matindi ang akusasyon kay Lacson na maaaring magdala sa kanya sa kulungan. Nagpasya na ang Mataas na Hukuman at walang magandang paraan na magagawa si Lacson kundi ang sumunod sa batas. Kung siya ay good guy at kalaban ng mga masasama, lumantad at harapin niya ang kaso.
Ang taumbayan ay matagal nang naghahangad na malaman kung ano ang tunay na pangyayari sa kontrobersiyal na kaso. Walong taon na ang kasong ito na hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kung sino ang nasa likod ng pagpatay. Kailangan nang maisilbi ang parusa sa mga nagkasala. Naghihintay din naman ng katarungan ang mga kamag-anak ng 11 napatay.