Kaso ng notaryo publiko

MULA 1960, nangungupahan na si Mang Ambo sa lupang pag-aari ni Don Leon. Noong 1975, nagulat na lamang siya nang kunin mula sa kanya ang pamumusesyon dito ng mag-asawang Efren at Norma. Kinuwestyun ito ni Mang Ambo hanggang Court of Appeals kung saan nanalo at kinilala siya bilang legal na nangungupahan sa nasabing lupa noong Agosto 13, 1988.

Hindi rito nagtapos ang problema ni Mang Ambo dahil noong 1994, muli na naman siyang ginulo ng mag-asawang Efren at Norma. Sa pagkakataong ito, hawak na ng mag-asawa ang isang Deed of Absolute Sale na may petsang Setyembre 15, 1994. Nakatala rito ang pirma ng tatlong anak ni Don Leon. Subalit nagtaka siya dahil ang isa sa mga anak na si Linda ay namatay na noong 1990 kaya hindi maaring nakapirma ito sa bilihan ng lupa. Notaryado rin ang dokumento ni Atty. Dimaquita.

Kinumpirma ni Mang Ambo ang petsa ng kamatayan ni Linda sa pamamagitan ng sertipikasyon ng kamatayan nito. Nagsadya rin siya sa NBI upang ipasuri ang sinasabing pirma ni Linda. Naging taliwas ang mga resulta sa mga nakatala sa Deed of Absolute Sale na ipinakita ng mag-asawa. Kaya, sinampahan ni Mang Ambo si Atty. Dimaquita ng falsification of public document.

Depensa ni Atty. Dimaquita na, bilang notaryo, hindi siya maaasahang kilalanin ang bawat taong nagpapanotaryo sa kanya. At nang pirmahan niya ang nasabing dokumento ng bilihan noong Setyembre 15, 1994, ginawa lamang daw niya ang tungkulin ng isang notaryo publiko. Sapat na ba ang depensa ni Atty Dimaquita?

HINDI.
Inaasahan ng batas mula sa mga notaryo publiko ang tiyak na pagkilatis at pagkilala sa mga taong personal na humaharap sa kanila na ito rin ang mga taong nakapirma sa dokumento bago pa man nila notaryahan ito.

Sa kasong ito nagkulang ng pag-iingat si Atty. Dimaquita bilang notaryo publiko. Dahil lumabag siya sa ipinag-uutos ng Notarial Law at Code of Professional Responsibility, binawi sa kanya ang pagkakatalaga bilang notaryo publiko kung saan hindi siya maaaring mahirang sa loob ng dalawang taon. Nasuspinde rin siya sa pag-aabogasya sa loob ng dalawang taon. Ang kasong ito ay katulad sa kaso ng Aquino vs. Atty. Oscar Manese , A.C. 4958 April 3, 2003)

Show comments