Pope John Paul II pinatay sa cellphones

NOONG nakaraang Martes, mabilis na kumalat ang text message na naghihingalo na si Pope John Paul II kung kaya’t humihingi ang mga lider ng simbahan na taimtim na ipagdasal ito. Ipinakikiusap na ipadala rin ang mensaheng ito sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Kinahapunan ng araw ding yun, nakatanggap na naman ako ng isang text message na nagsasaad na namatay na raw ang Papa at ang hinihiling ay ang pag-aalay ng dasal at ang pagpapakalat ng mensaheng ito sa iba pa.

Subalit walang katotohanan ang mga text messages. Natuwa naman ako dahil hindi totoo ang balita. Salamat at buhay pa ri Pope John Paul II.

Hindi lamang ngayon nangyari ang ganito. Natatandaan kong marami nang pinatay na sikat na tao ang mga text messages sa cell phone. Buhay pa ay pinapatay na kaagad ng may mga halang na kaluluwa na nasa likod ng mga kawalanghiyaang ito. Hindi na dapat pang ipagwalambahala ng ating mga maykapangyarihan ang bagay na ito na humahantong na sa pag-aabuso sa karapatang-pantao at pagtitiwala ng mamamayan.

Dapat ay kumilos ang National Telecommunications Commission at ang nakakasakop dito na Department of Transportation and Communications. Panahon na upang silipin ng mga ito kung tunay ngang sumusunod sa kanilang mga alituntunin at mga saligang-batas ang mga iba’t ibang kompanya ng telekomunikasyon, partikular na ang mga cellphone companies. DOTC Sec. Larry Mendoza at NTC Commissioner Armi Jane R. Borje, magpakitang-gilas naman kayo sa ating mga mamamayan, ang inyong tunay na pinagsisilbihan.

Show comments