Panginoon, turuan Mo kaming manalangin

ANG Panalangin ng Panginoon ang paksa ng Ebanghelyo sa araw na ito. Ito ang bersiyon ni Lukas (Lk. 11:1-4) –mas maikli kaysa bersiyon ni Mateo. Subalit naglalaman ng mga pangunahing punto.

Minsan, nananalangin si Jesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." Sinabi ni Jesus, "Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo: "Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari. Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.

At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinatatawad namin ang bawat magkasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok."


Ang layunin natin ay ang makapiling ang ating Ama sa langit nang walang hanggan. Subalit kahit dito sa lupa, maaari na nating maranasan ang pagdating ng paghahari ng Diyos kung ang ating mga buhay ay nakaugat sa Diyos. Kapag mapagpakumbaba nating tinanggap ang ating pagsalalay sa Diyos, kapag hinihingi natin ang biyaya ng pagpapatawad at paghingi ng kapatawaran; kapag hinihingi natin sa ating Ama na bigyan tayo ng mga kinakailangan natin sa araw-araw, mararanasan natin ang galak ng paghahari ng Diyos dito at ngayon na rin. Ito ang panimula ng ating paglalakbay sa langit.

Sinisira ng paghahari ng Diyos ang hangganan sa pagitan ng mahirap at mayaman, mga kalalakihan at kababaihan, Hentil at Judio. Sa pagbabahagi ni Jesus sa atin ng kanyang panalangin, pinananatili niya tayong malapit sa Amang nasa langit.

Show comments