May crime wave ba sa MMla?

TUWING linggo may nababalitang robbery ng banko o armored van. Araw-araw may payroll robbery. At ayon kay Teresita Ang-See, may 19 nang kinidnap simula Enero. May crime wave ba sa Metro Manila?

Wala, mabilis na sagot ni Gen. Reynaldo Velasco, hepe ng PNP-Metro Manila. Tatlong bank holdup nga ang naganap nitong nakaraang buwan, pero "normal" kumbaga. Kada taon 18 holdup ang nagaganap. Pero nitong unang bahagi ng taon, dalawa lang ang naging holdap. Tila humahabol ang statistics. At nagmumukhang dumarami ang holdap sa Metro Manila gayong sa mga karatig probinsiya pala nagaganap ang iba.

Pero mas importante, ani Velasco, nalulutas agad. May tatlong suspek nang nahuli sa Citibank robbery sa Makati. Sila rin ang suspek sa robbery sa kalapit na Equitable-PCIBank. ‘Yun namang armored van robbery sa Caloocan, lutas sa loob ng pitong oras. Ini-interrogate ang isang security guard nang mag-text sa cellphone niya ang mastermind para alamin kung saan ide-deliver ang parte. Buking na inside job pala.

Tungkol sa kidnapping, hindi makasagot si Velasco. Wala kasi ni isa sa mga insidenteng sinasabi ni Ang-See ang nai-report sa PNP. Wala tuloy basehan ang PNP kung totoo o hindi. Ayaw namang iharap ni Ang-See ang mga umano’y biktima.

Dagdag naman ni Kapitan Martin Diño, presidente ng Volunteers Against Crime and Corruption, lugi ang pulis sa labanan sa kriminal. Huli nang huli ang pulis, pero pinagpipiyansa naman ng Korte. Ehemplo ang Resto Gang na sunud-sunod nangholdap ng diners sa restaurants. Nakapag-bail nang P800,000 ang limang nahuli. Lumakas ang loob na umulit.

Napapansin ni Diño na mas mabilis pa ang suspek magdemanda ng harassment laban sa pulis kaysa pagsampa ng kasong krimen. ‘Yun daw ang bagong modus ng drug lords. Oras na i-raid ang shabu hideout, kinakasuhan agad ang pulis ng planting of evidence o kaya depektibong search warrant.

Ang gagaling ng mga abogado nila.

Show comments