^

PSN Opinyon

Nagwakas din ang suwerte ni Buboy Go !

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
INILIGPIT ng mga video karera financiers ang kanilang makina sa halos lahat ng sulok ng Maynila nitong nagdaang mga araw. Sa puntong ito, dapat lang sigurong papurihan natin si Manila Mayor Lito Atienza dahil kahit huli man ang aksiyon niya, nanaig din ang interes ng Manilenyo at hindi ang bulsa nina video karera king Buboy Go at mga alipores niya. Napatunayan lang ni Atienza na kung may political will at kamay na bakal, itong mga makina, na sabihin nating salot sa lipunan, ay walang puwang sa Maynila kahit kailan man. Hindi lang ang ilegal na sugal ang na-address ni Mayor Atienza kundi pati na rin ang lumalaking problema sa droga at kriminalidad. Maaring makatulog na ng mahimbing ang mga Manilenyo dahil wala nang mga adik na naglilibot sa kalye para magnakaw ng pantaya nila sa makina ni Buboy Go, di ba mga suki? He-he-he! Nagwakas din ang suwerte nitong si Buboy Go at mga kampon niya.

Kung sabagay, noon ko pa naman isinisigaw na hindi nakapaglatag ng makina sina Buboy Go, Arnold Ajesta, Randy Sy at mga alyas Neri at Sacho noong hindi pa naging heneral ang hepe ng pulisya ng Maynila na si Chief Supt. Pedro Bulaong. Subalit nang lumabas ang estrelya ni Bulaong, aba nagbukasan ang video karera at kahit abot-langit ang kampanya natin eh nagbingibingihan lang sila ni Mayor Atienza. Sa tingin ng Manila’s Finest na nakausap ko naimbiyerna na siguro si Mayor Atienza dahil sa kaliwa’t kanan na ang bumibira sa kanya sa radyo, TV at diyaryo kaya ikinumpas na niya ang mga kamay niya laban sa grupo ni Buboy Go. Kasi nga habang patuloy na ginigisa ang pangalan ni Mayor Atienza at naapektuhan ang re-election bid niya, walang pakialam ang grupo ni Buboy Go basta palihim nilang ninanakaw ang mga barya ng sambayanan na karamihan dito ay mga adik nga, he-he-he! Magsisilbi tayong mata ni Mayor Atienza para hindi na makapaglatag na muli ang grupo ni Buboy Go.

Kung sabagay, umani ng pogi points si Mayor Atienza sa ginawa niya. Lalong bumango ang pangalan niya at goodbye na lang sa lahat na umaambisyon na kunin ang trono niya sa darating na May elections. Pero kung lumulutang sa ngayon si Mayor Atienza sa tinatawag nating Cloud 9, maari ba nating sabihin ito kay Mayor Rey Malonzo, ng kalapit na siyudad ng Caloocan? Kasi mga suki, si Buboy Go pala ay nakapag-expand na sa kaharian ni Malonzo at ang ginamit niyang padrino ay ang isang kumpare niyang pulis na tawagin nating alyas Paras, na trusted man naman ni Sen. Supt. Benjardi Mantele, ang hepe ng pulisya roon. Kung nagawang hatawin ni Mayor Atienza ang video karera sa kanyang lugar, may political will din kaya si Malonzo para tugisin si Buboy Go? Sana huwag ng ikatwiran ni Malonzo na busy siya sa pag-asikaso ng annulment ng kasal niya kaya’t hindi niya napansin ang problemang dulot ng video karera ni Buboy Go. Sinabi ng Manila’s Finest na naglilipana ang makina ni Buboy Go diyan sa boundary ng Maynila at Caloocan City, he-he-he! Tiyak may kalalagyan na naman ang magkumpareng Buboy Go at Paras, di ba mga suki?

May kinalaman din kaya si Dir. Enrique ‘‘Ike’’ Galang, directorate for operations ng PNP at incoming NCRPO chief sa pagtiklop ng mga video karera ng grupo ni Buboy Go? Abangan.

ARNOLD AJESTA

ATIENZA

BUBOY

BUBOY GO

MALONZO

MAYNILA

MAYOR

MAYOR ATIENZA

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with