Ngayon ay may panibago na namang eskandalo ang Bar exam. Nagkaroon ng leak sa isinagawang exam sa mercantile law noong September 21. Agad na ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagsasawalang-bisa sa nasabing exam at inatasan ang may 5,000 examinees na kumuhang muli ng panibagong exam sa susunod na buwan. Marami ang umangal sa pangyayari lalo na ang mga examiness na nagbuhat pa sa malalayong lugar. Subalit walang magagawa ang kanilang pag-angal sapagkat magiging kahiya-hiya ang kalalabasan. Kung hindi nadiskubre ang leak, papasa ang mga examinees subalit sa pamamagitan ng pandaraya. Anong klaseng mga lawyers ang ipo-produce kung nakapasa dahil sa pandaraya? Nararapat lamang na ulitin ang pagkuha ng Bar exams.
Ang leak ay nadiskubre makaraang makakuha ng exam ang mga examinees. Marami umano ang nakakuha sa buong questionaire. Sinasabing nakakuha rin ng palusot na questionaire ang mga law schools at mga review centers. Karaniwan na rin ang report na tinutulungan ng mga fraternity brothers ang kanilang ka-miyembro kaya taun-taon ay hindi na nakapagtataka kung laging may sumisingaw na leak sa Bar exams.
Matagal nang nangyayari ang ganyang pandaraya at hindi na nakapagtataka kung may mga makapasa bilang abogado kahit na hndi karapat-dapat. Salamat sa leak Attorney! Mabuti na lamang at ngayong taon ay hindi nakalusot ang pandaraya.
Maaaring maulit muli ang ganyang pandaraya hanggat hindi madadakma ang mga culprits. Sikapin ng mga kinauukulan na mahuli ang mga gumagawa ng ganitong pandaraya at bulukin sa kulungan. Kung isang abogado, huwes o mataas ang katungkulan, alisan siya ng lisensiya at tanggalin sa law profession. Hindi sila nararapat sa isang propesyon na ang katarungan o pantay na batas ang pinaiiral. Dapat din namang maunawaan ng mga nangangarap maging lawyer na huwag papatol sa mga ganitong uri ng pandaraya. Walang ibang niloloko kundi ang sarili kung papatulan ang mga nagli-leak ng questionaire.