Ngayoy marami na ang nalilito tungkol sa hindi malamang desisyon ni President Arrroyo kaugnay sa 2004 elections. Bahagyang nabawasan ang init ng pulitika nang ihayag ni Mrs. Arroyo na hindi na siya tatakbo. Nabawasan ang tensiyon. Subalit ang usap-usapan sa kanyang pagtakbo ay unti-unti na namang bumangon. Mula sa pagkakalibing ay bumangon at nagmumulto ngayon. Tumindi lalo nang magsulputan ang maraming streamers na nagsasaad na dapat tumakbo si GMA sa 2004.
Ngayoy ang Diyos na naman ang hinihintay ni Mrs. Arroyo na magdesisyon kung tatakbo ba siya o hindi? Humihingi siya ng palatandaan sa Diyos kung nararapat ba siyang tumakbo sa darating na election. Si Mrs. Arroyo ay isang relihiyosa na ang lahat ng mga gagawin ay inihihingi niya ng awa sa Diyos. Kapag sinabi ng Diyos na "oo" tatakbo siya sa election, ganyan marahil ang hinihintay ni Mrs. Arroyo para maideklara ang kandidatura.
Pero ganyan ba ang Diyos? Nagbabago ng isip? Kung sinabi ng Diyos na hindi na siya tatakbo sa 2004 di ba iyon ang dapat niyang gawin sapagkat humingi siya ng tulong. Parang sa mga sinabi ni Mrs. Arroyo na hinihingi niya ang Gods intervention sa pagtakbo sa election ay nagbabago ang Diyos o hindi Ito consistent. Masyadong nagagamit ang Diyos sa isyu ng pulitika ngayon. Ganito rin ang sinasabi ng ilang obispo at pari kaugnay sa umanoy hinihiling ni Mrs. Arroyo sa Diyos.
Ang urung-sulong na paghahayag ni Mrs. Arroyo nang tunay na balak sa 2004 elections ay nakapagbibigay ng bigat sa dinaranas ng bansa sa kasalukuyan. Maski ang New York Times sa kanilang editorial ay sinabi na dapat ihayag na ni Mrs. Arroyo ang mga layunin sa darating na election. Ano ba ang gusto niyang mangyari? Hindi dapat matuliro ang taumbayang sagad na sa hirap. Magpasya na ngayon at huwag isangkalan ang Diyos.