Nagkataong napasyal ako sa isang intelligence unit ng gobyerno nung araw na yon. Abala sila sa pag-rescue kay Maureen.
Ayon sa kumalat na e-mail mula kay Kenneth Vincent, kinidnap daw ang dalagitang kapatid nung Sept. 7, 7:30 p.m., sa Hidalgo exit ng Quiapo underpass. Kasa-shopping at kasisimba lang nila ng nanay at isa pang babaing kapatid. Matao sa underpass, mabilis ang mga pangyayari. May humarang na mga lalaki sa nanay na nauuna paakyat ng hagdan. Biglang napabitiw si Maureen at sumigaw ng "Jan". Lumingon si Janice pero napabitiw na ang kapatid. Dalawang oras nilang hinanap. Tila takot na ayaw sumagot ang sidewalk vendors na napagtanungan. Nag-iwan ng photo ni Maureen at cellphone number si Kenneth, habang humihingi ng tulong sa lahat ng makababasa.
Nabasa rin ng intel unit ang e-mail. Kinontak nila agad ang nanay. Inusisa kung may suitor o boyfriend si Maureen. Lumipas ilang araw, tumawag ang dalagita sa nanay; nasa Davao raw siya. Inalam ng intel unit lahat ng bumiyahe pa-Davao sa barko o eroplano nang mga lumipas na araw. Ilang araw pa, tumawag si Maureen sa tiyahin at nagpasundo.
Nagpunta sa NBI ang pamilya. Galit ang Manila police dahil hindi pinansin ang imbestigasyon nila. Balita sa radyo, nagtanan lang. Pero sabi ng intel unit, tulala pa si Maureen at walang nasabing tanan.
Pakiusap ng intel unit, huwag na silang banggitin sa dyaryo. Pero inaalam pa nila kasalukuyan kung ano talaga ang nangyari sa dalagita na nais mag-commercial model. Hinihintay lang nila ang go-signal ng mga doktor. Ako naman, sinusundan na ngayon ang mga ulat ng krimen sa Internet.
Baka totoo, tulad ng susunod na kuwento.
(Itutuloy bukas.)