Kampanyang paulit-ulit na lamang sa pagsugpo sa kidnapping. Hindi nakapagtataka na tatahimik lamang ang sindikato at pagkaraang malingat ang mga awtoridad ay sasalakay muli. Walang isang matibay na plano kung paano lubusang madudurog. Kapag naputol ang galamay ay tumitigil na ang pulisya sa pag-aakalang napatay na ang sindikato.
Ngayoy talamak na naman ang kidnapping at panibagong kampanya na naman ang inilunsad ni Mrs. Arroyo. Sa ulat ng anti-crime groups, sunud-sunod na naman ang pangingidnap sa mga Tsinoy (Chinese-Pilipino). At ang matindi, sangkot sa kidnapping ang mga "bugok" na miyembro ng PNP at military. Inereport ng Citizens Action Against Crime na sa nakalipas na anim na linggo, tatlong mayayamang Tsinoy at isang Indian trader ang kinidnap. Nagbayad umano ng tig-limang milyong piso ang mga biktima.
Sinabi ng PNP na nahihirapan silang madurog ang sindikato sapagkat hindi naman nakikipag-cooperate ang mga kaanak ng biktima sa kanila. Ito raw ang dahilan kung kaya patuloy ang kidnapping.
Hindi masisisi ang mga kaanak ng biktima na hindi makipag-cooperate sapagkat sa halip na matulungan sila ay lalo pang napapahamak ang kinidnap. At paano nila mapagtitiwalaan ang pulisyang may mga miyembrong kakutsaba ng kidnappers. Mahirap nang makipagsapalaran lalo nat buhay ang nakataya. Mas mabuti pang magbayad na lang ng ransom at manahimik.
Ang kidnapping ay isa sa sakit ng ulo ni Mrs. Arroyo. Magpapatuloy ito hanggat ang kampanya ng kanyang pamahalaan ay lulubog-lilitaw. Hindi maaaring daanin sa puro papogit paganda ang problemang ito. Seryosong aksiyon ang kailangan.