^

PSN Opinyon

Editoryal - Paulit-ulit na kampanya laban sa kidnapping

-
SA State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo sinabi niyang dudurugin ang sindikato ng kidnapping sa bansa. Ang pagdurog sa mga kidnappers ay bahagi ng kanyang plano para maitayo ang "matatag na republika". Inatasan niya si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr, na paigtingin ang kampanya laban sa mga kidnappers. Binigyan niya ng isang taon si Ebdane para madurog ang sindikato. Nangako naman si Ebdane at sinabing kung hindi niya madudurog ang sindikato, magbibitiw siya sa puwesto. Nagpakitang gilas si Ebdane at isang leader ng kidnapping syndicate ang nadakip. Ang most wanted na si Faisal Marahombsar ay nadakip. Lumiyad ang dibdib ni Ebdane sa pangyayaring iyon. Pero saglit lamang pala ang pagdiriwang sapagkat tumakas sa kanyang kulungan sa Camp Crame si Marohombsar apat na buwan makaraan siyang madakip. Napatay si Marohombsar sa isang engkuwentro sa Cavite.

Kampanyang paulit-ulit na lamang sa pagsugpo sa kidnapping. Hindi nakapagtataka na tatahimik lamang ang sindikato at pagkaraang malingat ang mga awtoridad ay sasalakay muli. Walang isang matibay na plano kung paano lubusang madudurog. Kapag naputol ang galamay ay tumitigil na ang pulisya sa pag-aakalang napatay na ang sindikato.

Ngayo’y talamak na naman ang kidnapping at panibagong kampanya na naman ang inilunsad ni Mrs. Arroyo. Sa ulat ng anti-crime groups, sunud-sunod na naman ang pangingidnap sa mga Tsinoy (Chinese-Pilipino). At ang matindi, sangkot sa kidnapping ang mga "bugok" na miyembro ng PNP at military. Inereport ng Citizens Action Against Crime na sa nakalipas na anim na linggo, tatlong mayayamang Tsinoy at isang Indian trader ang kinidnap. Nagbayad umano ng tig-limang milyong piso ang mga biktima.

Sinabi ng PNP na nahihirapan silang madurog ang sindikato sapagkat hindi naman nakikipag-cooperate ang mga kaanak ng biktima sa kanila. Ito raw ang dahilan kung kaya patuloy ang kidnapping.

Hindi masisisi ang mga kaanak ng biktima na hindi makipag-cooperate sapagkat sa halip na matulungan sila ay lalo pang napapahamak ang kinidnap. At paano nila mapagtitiwalaan ang pulisyang may mga miyembrong kakutsaba ng kidnappers. Mahirap nang makipagsapalaran lalo na’t buhay ang nakataya. Mas mabuti pang magbayad na lang ng ransom at manahimik.

Ang kidnapping ay isa sa sakit ng ulo ni Mrs. Arroyo. Magpapatuloy ito hangga’t ang kampanya ng kanyang pamahalaan ay lulubog-lilitaw. Hindi maaaring daanin sa puro papogi’t paganda ang problemang ito. Seryosong aksiyon ang kailangan.

CAMP CRAME

CITIZENS ACTION AGAINST CRIME

EBDANE

FAISAL MARAHOMBSAR

HERMOGENES EBDANE JR

KIDNAPPING

MAROHOMBSAR

MRS. ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with