Marami pa silang mabibiktima mula sa milyon-milyong dukha.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, 11 transnational drug syndicates-mga dikit sa Chinese Triads ang kumikilos sa bansa. Dagdag pa rito ang 215 local syndicates. Simula Marso, sunod-sunod ang PDEA raids sa shabu laboratories at bodega. Libu-libong kilong droga ang nakumpiska mula sa isang dosenang sindikato. Umaaray sila. Pero dahil kriminal, hindi nakikipaglaban ng sabayan sa gobyerno. Pangmadaliang estilo ang manuhol ng pulis, piskal o huwes. Pangmatagalang estilo ang magpuwesto ng alipores sa gobyerno.
Kung nagawa ng narcosyndicates magpuwesto sa Southern Luzon, Central Visayas at Northern Mindanao, kaya na rin nila magpuwesto sa pambansa. Batay sa pagsibak ng Korte Suprema sa isang justice, napasok na ang Court of Appeals. Batay sa imbestigasyon ng Senado nung 2001, maaring napasok na rin ang Kongreso. Susunod na target siyempre ang Malacañang. Ayon sa religious at civic leaders, kapansin-pansin daw ang pagka-panalo ng maraming lokal na drug lords nung huling barangay election. Hinala nila, kikilos ang mga ito para magpa-panalo naman ng kandidato para Presidente sa 2004.
Tinatayang P2 bilyon ang dapat gastusin sa seryosong kampanya ng isang presidential candidate. Barya lang yan sa kandidato ng drug lords. Gagawin nila ang lahat para manalo at protektahan at palaguin ang ilegal na negosyo. Nagawa na nila yan sa Colombia at Equador.