EDITORYAL - Babala: Mag-ingat sa Maynila

BINUBUHAY ni Mayor Lito Atienza ang Maynila. Nagkaroon ng liwanag sa Roxas Boulevard, nilagyan ng mga konkretong upuan ang sementadong hampasan ng alon. May mga kainan at puwede na ring magsayawan kung gugustuhin. Ang ilang pangunahing kalsada ay isinara sa trapik at winasak (halimbawa ang Rizal Avenue at ang Muelle del Rio) at ginawa nang mga parke. Mula Carriedo St. hanggang Recto Avenue, isang parke na ang kahabaang iyon na maaari nang pasyalan. Ang Muelle del Rio ay ganoon din. Ilan lamang ang mga iyan sa katuparan ng pangarap ni Atienza na buhayin ang Maynila.

Habang binubuhay ni Atienza ang Maynila, tila hindi naman niya napapansin ang paggala ng masasamang loob na naghahasik ng takot sa mga residente o sino pa mang nagnanais magtungo sa siyudad. Sa dami ng mga nangyayaring krimen sa Maynila, maraming nagtatanong kung saan pa bang lugar dito ligtas.

Banner story ng Pilipino Star NGAYON noong Linggo ang misteryosong pagkawala ng 16-anyos na estudyante habang nasa Quiapo underpass. Dinukot si Maureen Elizabeth T. Pizarro habang nasa hagdanan palabas ng R. Hidalgo St., Quiapo. Ayon kay Kenneth Vincent, kapatid ng dinukot, nagsimba ang kanyang ina kasama si Maureen at isa pang kapatid na si Janice dakong alas-singko hanggang alas-sais ng gabi. Matapos iyon, nag-shopping sila sa SM at Isetann. Bumalik sila sa Quiapo underpass. Pumasok sa Carriedo entrance palabas sa Hidalgo. Magkasabay na naglalakad si Maureen at Janice. Tinanong ni Janice kung bibili sila ng CD. Oo raw. Nang nasa hagdanan na, may mga kalalakihang humarang sa kanilang daraanan. Tinanong ni Janice kung anong title ng CD. Subalit walang sagot. Nang tingnan niya si Maureen, wala na ito!

Sa isang iglap ay nawala si Maureen. Wala pa raw isang minuto ang nakalipas. Hinanap nila si Maureen subalit hindi nila makita. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita ang kawawang estudyante. Si Janice ay may taas na 5’1", maganda, maputi, may nunal sa itaas na bahagi ng labi at maikli ang buhok.

Nangyari ang pagdukot sa karamihan ng tao. Wala nang kinatatakutan ang mga masasamang loob at sumasalakay kahit anong oras. Walang pinipili. Kamakailan, sunud-sunod ang mga pagpatay na nangyari sa Maynila. May tinatambangan kahit sa katirikan ng araw. At sa kabila niyan, tila natutulog sa pansitan ang Western Police District (WPD).

Ang nakatatakot ay ang pagdukot kay Maureen, na harap-harapang isinagawa sa karamihan ng tao. Iisa ang masasabi sa nangyari, nakatatakot na sa Maynila. Binubuhay ba ang Maynila o pinapatay dahil sa malalang krimen?

Show comments