Hindi namin ginagamit ang aming surveillance camera (hidden camera) kung ang pag-uusapan ay buhay ng isang pribadong indibiduwal.
Nakasentro lamang ang aming atensiyon sa mga gawaing hindi kanais-nais ninuman sa ating lipunan.
Ang paggamit ng hidden camera ay kabahagi lamang ng aming pag-iimbestiga. Itoy upang makumpirma ang reklamo ng isang biktimang lumapit sa amin.
Kapag kumpirmado ang reklamo pinag-aaralan namin ng maigi kung papaano ito matuldukan. Agad kaming nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Pinakikita namin sa awtoridad ang nilalaman ng aming surveillance camera. Ipinauubaya na namin sa kanila ang entrapment operation. Samantalang dinudukomento na lang ng BITAG ang kahihinatnan.
Ilang beses nang nagamit ng mga awtoridad ang mga nilalaman ng aming video. At itoy napabilang pa sa accomplishment ng kanilang unit na nakipagtulungan sa BITAG.
Alam din namin na ang nilalaman ng surveillance video ay hindi puwedeng gamiting ebidensiya sa hukuman dahil itoy inadmissible.
Meron tayong batas laban sa wire tapping na kahit nahuli mo na sa akto, hindi pa rin ito puwedeng gamitin sa hukuman.
Hindi hadlang sa amin ang batas laban sa wire tapping Kabahagi ng responsibilidad namin ay kumpirmahin ang mga reklamo ng mga biktima sa ngalan ng serbisyo publiko.
Walang sinuman ang makakapagpatigil sa amin sa paggamit ng hidden camera i-dokumento ang kanilang mga gawaing pang-aabusot panloloko kahit pa protektado sila ng ating batas!