Hindi na nakabisita si Barco dahil nagkasakit sa Korea habang paparito. Pero nagkatotoo ang pangitain niya sa paglaganap ng salot na droga. Nagpupuwesto ang Colombian drug cartels ng mga alipores sa lokal at pambansang politika. Di naglaon, naipanalo nila si Ernesto Samper para presidente. Batid ng parliament ang dumi ni Samper, kaya ayaw nito nung una itaguyod ang pagwagi niya. Pero binili ng cartels ang mayorya para iproklama siya.
Bagsak bigla ang dayuhang kalakal at kapital. Sino ba naman ang makikipag-negosyo sa bansang hawak ng narcopolitician? Lumaganap ang kidnapping at patayan nang lumubog ang Colombia sa gulo. Nahawa pati mga kapit-bansa. Ginawang transhipment points ng cocaine ang Bolivia at Peru.
Mas malala ang Equador. Pinayagan nitong magtanim ng coca ang Colombian cartels sa loob ng borders. Tapos, hinalal nitong presidente si Bucharam, na babaero, lasenggot sugarol. Dahil sa kurakot, inalis siya ng Kongreso. Pumalit ang bise-presidenteng babae. Hindi nagtanda ang tao. Hinalal naman si Muhuad, na mas malala dahil isang narcodistributor.
Leksiyon ito sa Pilipinas. Napakaraming pagkapareho sa Equador.
Dati-rati, nagpupuwesto ang jueteng lords ng mga alipores sa lokal na pulitika. Sa gayon, protektado sila di lang ng lokong pulis kundi pati ng mayor. Di nakuntento, ginawa nilang pambansa ang raket. Ayon sa jueteng exposés ni Chavit Singson nung 2000, umabot sa Malacañang mismo ang payola ng vice lords.
Ganun din ang drug lords. Nung una, sa lokal lang nagpuwesto ng alipores. Mga mayor sa Quezon at Misamis ang drug couriers. Pero ganid. Batay sa imbestigasyon ng Senado nung Hunyo-Setyembre 2001, pinasok na rin nila ang Kongreso. Susunod na target: pagka-Pangulo ng Pilipinas.