Subalit naging mailap sa pagsagot si Iggy sa mga katanungan ng mga senador. Kapag ayaw niyang sagutin ang mga senador, ang sinasabi niyay "Invoke may right to privacy" na naging bukambibig na ngayon.
Dahil na rin sa mga matitinding akusasyon ni Lacson laban kay First Gentleman Mike Arroyo, malimit na humaharap siya (First Gentleman) sa taumbayan na malungkot na nagpapahayag na sana ay hintuan na ang paninira sa kanya. Ang naaapektuhan umano ay ang kanyang asawa at ang mga anak niya lalo na si Luli.
Nagpanukala si Valenzuela City Rep. Magtanggol Gunigundo Jr. na hiwalayan na ni President Gloria Arroyo si Mike upang maprotektahan ang posisyon nito bilang pangulo sa dumi ng pulitika. Dahil dito, pinutakte si Gunigundo ng pagtuligsa.
Ako man ay hindi sang-ayon kay Gunigundo. Walang karapatan ang sinuman na makialam sa personal at pribadong bahagi ng pag-aasawahan. Sa mga Pilipino, sagrado ang kasal lalo nat mga saradong Katoliko ang mag-asawang Arroyo. Isa pa, mas higit na mahalaga ang nagkakaisang pamilya kaysa sa pulitika. Makabubuti marahil kung gagayahin ni Mike si Iggy sa pagsasabi ng "invoke may right to privacy."