Ito ang pahayag sa akin ni Department of Budget and Management Secretary Emilia Boncodin sa programang, "Imbestigayon ng BAHALA SI TULFO" sa DZME kahapon ng umaga.
Ayon kay Boncodin, inaprubahan ni Pangulong Arroyo ang P100 milyon na orihinal na hinihiling ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay P400 milyon para sa pagpapatayo ng mga overpasses.
Masigasig na tinutukan ng kolum na to, maging ang aming TV investigative team ang "BITAG", ang ipinangako ni MMDA Chairman Bayani Fernando na magtatayo ng overpasses (underpasses?) sa mapanganib na Elliptical road nung buwan pa ng Mayo.
Matatandaang naipalabas na namin sa "BITAG" ang nasabing episode. Mapapanood muli ang nasabing segment ngayong Sabado kung saan nagpahayag ang tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang MMDA na wala pa rin pondong nakalaan ang DBM.
Tumataas ang bilang ng mga nasasagasaan na mga pedestrian ng mga rumaragasang motoristang patungot palabas ng Quezon Memorial Circle, itoy ayon na rin sa Central Traffic Enforcement Group (CTEG).
Nabahala ang pamahalaang lokal ng Lungsod ng Quezon kung kayat nanguna na itong magtayo ng pedestrian overpass sa kahabaan ng Commonwealth Avenue partikular sa Litex intersection.
Ang Commonwealth Avenue ay tinaguriang "killer highway" dahil sa dami ng nadidigrasya sa malawak na lansangang ito kung saan tinutumbok ang Elliptical Road.
Patuloy naming tutukan ng aming TV investigative team ang Elliptical Road hanggang sa maitayo ang ipinangakong mga overpasses sa paligid ng Quezon Memorial Circle.