Ang pag-ambush kay Lilia Diaz, 47, assistant general manager for finance and administration ng Manila International Airport Authority (MIAA) ay isang karumal-dumal na gawain. Tinambangan kamakalawa si Diaz, dakong alas-nuwebe ng umaga sa kanto ng Venus at E. Rodriguez Ave., Parañaque City. Propesyunal ang gunman sapagkat isang bala lang ang ginamit para mapatay si Diaz. Si Diaz at ang driver lamang niya ang nasa van nang maganap ang pagtambang. Nang magpabagal ang driver sa pagpapatakbo dahil sa hump, sumulpot ang isang lalaki at bang! Sapol sa balikat si Diaz na tumagos sa kanyang puso.
Sa panahon ng pagkamatay ni Diaz, nagsasagawa umano ito ng reporma sa kanyang tanggapan. Matagal na umanong may natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay si Diaz mula nang patindihin niya ang pagdurog sa mga tiwali sa airport. Isa umano sa mga tinututukan ni Diaz ay ang human smuggling. Ipinatutupad din niya ang mahigpit na screening process para sa airport security services. Sinabi ni MIAA general manager Edgardo Manda na si Diaz ang nagdala ng "bagong kultura" sa airport. Bukod doon masipag at isa sa mga mapagkakatiwalaang opisyal.
Bala ang pabuya sa katulad ni Diaz na nangangarap madurog ang katiwalian. Hindi na ligtas ang mga taong katulad niya na nagnanais maging corrupt-free ang bansa. Gayunman sinabi ni Manda na ang pagpatay kay Diaz ay hindi magiging hadlang para tigilan nila ang pagdurog sa mga tiwali.
Talamak ang katiwalian sa bansa. Ang pinasabog ni Sen. Panfilo Lacson kay First Gentleman Mike Arroyo ay katiwalian dahil sa pagbubulsa ng campaign contributions na umaabot sa milyong piso. At maski si Manda ay isa sa mga nabanggit na personalidad ni Lacson na madalas sa LTA Building at nakikipag-transaksiyon sa First Gentleman.
Lagi nang sinasabi ng gobyerno na malawakan ang kanilang kampanya laban sa katiwalian. Mas mainam kung puprotektahan nila ang mga taong nagsasagawa ng reporma para hindi mapahamak. Paano mawawasak ang mga tiwali kung may nakaabang na balang bibistay sa kanilang katawan. Pagalawin ang pulisya para maproteksiyunan ang mga nagsasagawa ng reporma at ganoon din ang taumbayan.