Noong August 19 ng kasalukuyang taon, itinumba rin ang isang broadcast journalist sa Sta. Cruz, Laguna. Nakabulagta na ay binabaril pa si Noel Villarante at sinigurong hindi na mabubuhay pa para magsiwalat ng kabulukan sa kanilang lugar. Bukod sa pagiging broadcaster, isa ring columnist si Villarante na ang matalim na panulat ay nakasusugat. Ang pabuya sa kanyang pagiging media man: Bala sa ulo at katawan.
Ngayong taong ito may pinakamaraming pagpatay sa mga journalist at maaaring madagdagan pa ang anim na biktima kung hindi kikilos ang gobyerno para protektahan ang mga mamamahayag. Nakatatakot na ang nangyayari na hindi na ligtas ang mga mamamahayag at kapag may nasagasaan ay buburahin na sa kanilang landas. Karamihan sa mga target ng pagpatay ay ang mga journalist sa probinsiya.
Unang pinatay ngayong taong ito ang isang broadcaster sa Legaspi City na nakilalang si John Villanueva. Pinatay siya noong April 28. Pagkaraan ni Villanueva, sumunod na pinatay ay ang broadcaster na si Apolinario Pobeda sa Lucena City noong May 17. Noong July 8, pinatay naman ang journalist na si Bonifacio Gregorio na taga-Tarlac City. Noong August 20, binaril at napatay ang radio journalist na si Rico Ramirez sa Agusan del Sur. Sino pa ang susunod?
Kinondena ni President Arroyo ang pagpatay kay Juan Pala. Sinabi niyang nakikisimpatya siya sa media organizations dahil sa walang tigil na karahasang nagaganap. Ganoon man sinabi niyang masyado pang maaga kung ang pagpatay kay Pala ay may kinalaman sa pulitika.
Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay isang pag-atake sa press freedom at ganoon din sa sambayanan. Dapat nang ipag-utos ni Mrs. Arroyo ang malawakang imbestigasyon sa pagpatay sa mga journalist. Pakilusin ang pulisya. Madaling makisimpatya sa mga naulila at grupo ng media subalit mas mahalaga kung madadakip ang salarin at ang "utak". Nakaaalarma na ang sunud-sunod na pagpatay na parang pumapatay lamang ng manok.