Graft and corruption:pinakamataas na uri ng krimen

KRIMEN ang graft and corruption. Iyan ang binigyang-diin ng aking Christian brother na si Dr. Grepor "Butch" Belgica, chairman ng Advocacy Committee of the Transparency Group (ACTG) na nasa pamamahala ng Office of the President. Tama siya. Pero para sa akin, ang pandarambong sa pamahalaan ang siyang pinakamataas na klase ng krimen.

Ang murderer ay nakakapatay lang ng isa, dalawa, tatlo o higit pang buhay. Ang holdupper ay makapagnanakaw ng ilang ulit lamang.

Pero ang mga mandarambong sa pamahalaan ay pinapatay at dinarambong ang buong bansa. Sila ang ugat ng karalitaan na umuutas sa marami nating kababayan. Hindi maihatid ang basic services sa mamamayan dahil kapos sa pondo na hinuhuthot ng mga dorobo sa gobyerno.

Dapat suportahan ang sino mang tao, ordinaryo o may mataas na tungkulin, sa pagbubunyag ng mga dokumentadong katiwalian ng mga nakaluklok sa mataas na puwesto sa pamahalaan. Hindi dapat kunsintihin ang ganyang kademonyohan na nagpapasakit sa mamamayan. Pero kailangang idaan sa proseso ng hustisya. Kung mayroong ebidensya, idemanda ang kurakot na opisyal.

Madalas gamitin sa political grandstanding ang isyu sa corruption. Iyan ang impresyon ko sa mainit na usapin sa alegasyon ni Sen. Ping Lacson kay First Gent Mike Arroyo na batid na ng maraming sumusubaybay sa usaping animo’y telenobela. Sang-ayon ako sa mga panawagan kay Lacson na magdemanda sa halip na gamitin ang bulwagan ng Senado sa paglalantad ng mga katiwalian diumano ni Mr. Arroyo. Palibhasa, sa privileged speech ng isang mambabatas, hindi siya puwedeng ikontra-demanda ng paninirang puri o libel since a lawmaker is clothed with the so called parliamentary immunity.

Ang ganyang mga pagbubunyag ay parang paninira lamang ng pulitiko sa kapwa pulitiko. Hindi pulitiko si Mr. Arroyo pero siya ang asawa ng Presidente. Komo si Lacson ay may ambisyong tumakbo sa 2004, iisiping dinidimolis niya si Presidente Arroyo na inaakala niyang tatakbo rin sa darating na presidential elections. Hataw sa kalabaw, latay sa kabayo. Kung malinis ang layunin ni Senador Lacson sa kanyang pagbubunyag, idemanda si G. Arroyo at kung mapatunayang nagkasala’y dapat patawan ng pinakamabigat ng parusa.

Show comments