Nagawa umano ni Udong na akusahan ang kanyang ninong dahil sa paghihiganti. Pinagbintangan umano siya ni Victoria Toh, secretary at partner ni Mike Arroyo na nagnakaw sa cell phone at pera. Bukod sa pagkakaroon ng maraming account sa banko, sinabi sa affidavit ni Mahusay na may relasyon si Mike at Victoria at siya pa ang nagsisilbi ng red wine sa dalawa. Saksi umano siya na pumirma ng tseke si Mike Arroyo sa pangalang Jose Pidal.
Ang lahat ng iyan ay binawi ni Udong. Wala aniyang katotohanan ang lahat. Tahi-tahi lamang ang mga kuwento o bunga lamang ng kanyang imahinasyon. Ang mga tahi-tahing kuwentong iyan ang pinaniwalaan ni Lacson kaya sa kanyang privileged speech sa Senado noong July 28 mariin niyang inakusahan si Arroyo ng money laundering at iba pang illegal activities. Ang matayog na imahinasyon ni Udong ang nagpayanig sa bansa at naging isang dahilan ng pagbulusok ng peso. Pinagulo ang sitwasyong pampulitika. Subalit ang mas matindi ay ang ginawang punit ni Udong sa pagsasama ni President Gloria Macapagal-Arroyo at Mike. Ayon sa First Gentleman apektado ng pagbubulgar na iyon ang kanilang pagsasama at pati ang relasyon sa kanyang anak na babae ay nagkaroon ng lamat.
Karaniwan na sa bansang ito na mag-aakusa subalit sa kalaunan ay babawiin ang sinabi. Kahit may sinumpaang salaysay, babawiin pa rin. Makaraang makasugat ay saka hihingi ng tawad at sasabihing walang katotohanan. Kapag nakasugat na, mahirap nang maitago. Ginagawang laruan lamang ang Senado dahil sa pagbubunyag na pagkaraan ay babawiin. Sa ganitong sitwasyon dapat nang kumilos ang mga mambabatas na lumikha ng batas na magpaparusa sa mga bigay-bawing nag-aakusa. Matatandaang si Ador Mawanay ay ganito rin ang ginawa. Inakusahan si Lacson sa illegal drugs at pagkatapos ay binawi rin niya. Walang pagkakaiba si Udong at si Ador. Masyadong matatayog ang kanilang imahinasyon.