Noong nakaraang Biyernes kasi mga suki, ipinakumpiska ni Atienza ang mga video karera na matatagpuan sa 248-E at sa 2434 kapwa sa Araullo St., sa Sta. Ana matapos magsumbong ang barangay chairman na si Jaime Co. Sinabon ni Atienza ang hepe ng Station 6 na si Supt. Clifton Empiso at binalaan siya na isang strike na lang at tagpas na ang leeg niya. Nagbanta rin si Atienza sa iba pang station commanders na hindi siya mangingiming sibakin sila kapag hindi sila kikilos laban sa mga pasugalan, he-he-he! Mukhang nakakuha ng pogi points doon si Atienza.
Pero kinapos ang laway ni Atienza. Matapos ang ilang araw, nawalan ng bisa ang mga patutsada niya. Sa katunayan imbes na magsara ang mga pa-bookies ni Boy Abang, video karera nina Buboy Go, Randy Sy, at Arnold Ajeta at pa-jueteng nina Delfin Alcoriza at Ruben Cunanan, eh hindi pinansin ang pananakot niya. Panay laway lang kasi ang lumabas sa bibig ni Atienza at hindi tumindig ang mga balahibo ng station commanders niya, he-he-he! Manhid na sila sa pananakot ni Lina kayat alam nila wala ka ring bayag pagdating sa paghabol sa ilegal nila, yan ang puna ng Manilas Finest kay Mayor Atienza ukol sa mga nabanggit na gambling lords ng siyudad.
Pero sa tingin ko naman, ang mga pulis lang ang ayaw kumilos dahil meron silang lingguhang intelihensiya. Alam ni imbudo yan, di ba mga suki? Dapat siguro si Atienza na mismo ang kumilos laban sa mga pasugalan na ito at baka magkaroon pa ng patutunguhan tulad ng ginawa niya sa Sta. Ana. Kulang lang kaya sa hagupit ang kapulisan ng WPD kaya binabalewala nila ang laway ni Atienza? Alam ni Mayor Atienza ang kasagutan diyan. Tiyak yon! Anang Manilas Finest.
Siguro, para maniwala ang sambayanan na seryoso si Atienza sa kampanya niya laban sa pasugalan, dapat siya na mismo ang gumalugad ng mga lugar sa Maynila kung saan namumugad ang pa-bookies ni Boy Abang, video karera nina Buboy Go, Randy Sy at Arnold Ajesta at pa-jueteng nina Delfin Alcoriza at Ruben Cunanan at maaksiyunan kaagad niya. Sa Sta. Ana kasi, isang kumpas lang ni Atienza eh nakumpiska kaagad ang dalawang makina at kung tuluy-tuloy ang ginagawa niyang yan aba hindi nalalayo na wala siyang kahirap-hirap sa darating na May elections. Wag mong gayahin si Sec. Lina, Mayor Atienza Sir. Hala, kilos na!